Sen. Poe sumakay ng MRT

Si Sen. Grace Poe na nakipagsiksikan kahapon sa pagsakay sa MRT para maranasan kung gaano kahirap ang dinadanas ng mga pasahero sa araw-araw na pagpila sa tiket at pagsakay sa tren.

MANILA, Philippines - Nakipila kahapon at sumakay ng MRT si Sen. Grace Poe bilang paghahanda sa gagawing imbestigasyon ng Senado tungkol sa mga problemang nararanasan ng mga mamamayan na sumasakay sa Metro Rail Transit.

Alas-8:20 ng umaga ng pumila si Poe sa North Avenue station sa Quezon City. Inabot ng 40 minuto bago siya nakabili ng ticket.

Sa isang text message sinabi ni Poe na maayos naman na umusad ang pila kahit pa mabagal.

Personal rin nitong nakita ang mga escalators na hindi gumagana kaya mas sumisikip ang pila papasok sa MRT sa North Avenue.

Hindi rin kaagad pumasok ang ticket ni Poe sa machine kaya manual itong binuksan ng isang security guard. Inabot ng isang oras at kalahati ang paglalakbay ni Poe bukod pa sa halos 40 minutong ipinila niya para makabili ng ticket.

Dumating sa kanyang destinasyon sa Pasay City, Taft si Poe bandang 10:30 ng umaga.

Maging ang mga escalators sa Taft Ave., Pasay ay hindi gumagana kahit ang mga nakalaan sa mga taong may kapansanan.

Naniniwala ang senadora na may pag-asa pang mapaganda ang serbisyo ng MRT kung aayusin lang ang maintenance nito.

Show comments