Napatay na NPA may patong na P2.5M

MANILA, Philippines - May patong sa ulo na P2.5 M ang napatay na rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nangyaring engkuwentro ng tropa ng militar at komunistang grupo sa Magallanes, Sorsogon noong Abril 27.

Ayon kay Philippine Army spokesman Col. Noel Detoyato, si Recto Golimlim alyas Ka Cenon/Pingko/Remus ay isang bomb expert ng NPA at ikalawa sa mga lider sa command ng Bicol Regional Party Committee.

Tatanggapin ng masuwerteng tipster ang P2.5 M reward na tumanggi muna nitong kilalanin para sa seguridad nito.

Ang bangkay ni Golimlim ay narekober ng tropa ng Scout Ranger Group ng Army’s 31st Infantry Battalion at 9th K9 Battalion sa pamumuno nina Sgt. Crisanto Bernal at Sgt. Manuel Abellano habang nagsasagawa ng pursuit operations noong Abril 28 sa Brgy. Lapinig, Magallanes, Sorsogon dakong alas-3:30 ng hapon.

Napaslang si Golimlim sa bakbakan ng Army troops at NPA sa nasabi ring barangay dakong alas-9:15 ng umaga noong Abril 27.

Kinabukasan habang nagsasagawa ng clearing operation ay natunton ng matalas na pang-amoy ng tracking dogs ng Phil. Army ang bangkay ni Golimlim.

 

Show comments