Napoles pwede nang lumabas ng OsMak

MANILA, Philippines - Malapit ng lumabas sa Ospital ng Makati (OsMak) ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles matapos itong operahan sa bukol sa matris.

Sa isinumiteng progress report kahapon ng pamunuan ng OsMak sa Makati City Regional Trial Court Branch 150, kaugnay sa medical condition ni Napoles, hindi na ito magtatagal sa naturang ospital at malapit na itong lumabas.

Sa report na pirmado ni Dr. Florentina Villanueva, head ng OsMak Obstetrician/Gynecologist Department, wala umanong nakitang komplikasyon sa ginawang operasyon kay Napoles.

Nakasaad din sa report na maari nang ma-discharge si Napoles sa lalong madaling panahon bagama’t wala pang itinakdang eksaktong araw.

May iilan na lamang umanong test ang kailangan gawin kay Napoles tulad ng blood sugar nito at maari na itong ibalik sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.

Matatandaan na inoperahan si Napoles noong Abril 23, 2014.

 

Show comments