Deniece Cornejo tukoy na ang pinagtataguan

MANILA, Philippines - Tukoy na ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kinaroroonan ng modelong si Deniece Cornejo, na kabilang sa ipinaaaresto ng korte dahil sa kinakaharap na kasong serious illegal detention kaugnay sa pambubugbog sa actor at TV host na si Vhong Navarro.

Sa presscon sa NBI headquarters kahapon  na pinangunahan nina NBI-National Capital Region, Director Atty. Elfren Meneses at Assistant Regional Director Jun De Guzman ay kanilang sinabi na tukoy na nila ang pinagtataguan ni Cornejo.

Hindi naman idinetalye ang lugar na kinaroroonan ni Deniece upang hindi masunog ang ginagawang operasyon.

Iniharap din sa mga mamamahayag kahapon sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz, habang sila ay nakaposas na ngayon ay kasalukuyang nakapiit sa NBI detention cell.

Mananatili muna sila sa NBI detention facility habang hinihintay pa ang ipalalabas na commitment order ng hukuman o ang kautusan kung saang kulungan sila dapat na idetine.

Sina Lee at Raz ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng NBI, ISAFP at PNP sa Oras, Eastern Samar noong Sabado.

Sinabi naman ni NBI Deputy Director Rafael Ragos, ang isa pang akusado na si Jed Fernandez ay nakatakdang sumuko matapos magpadala ng surrender feeler sa NBI.

 

Show comments