Obaryo at matris ni Napoles, inalis

MANILA, Philippines - Inalis na ang matris at obaryo ng tinaguriang reyna ng “pork barrel scam” na si Janet Lim-Napoles sa Ospital ng Makati (OSMAK) kahapon ng umaga.

Base sa isang press briefing na isinagawa kahapon ng  tanghali sa OSMAK, sinabi ng mga doctor sa pa­ngunguna ni Dr. Efren Domingo, alas-8:00 ng umaga nag-umpisa ang operasyon kay Napoles.

Halos may dalawang oras  ang isinagawang ope­rasyon hanggang sa matagumpay na maialis ang bukol na tumubo sa matris nito matapos  makontrol ang blood sugar level nito.

Ayon kay Dr. Domingo,  nasa recovery room na si Napoles, gising ito, coherent, at stable ang vital signs. “We removed the entire uterus and both ovaries,”  ani Dr. Domingo.

Nilinaw ng mga doctor ni Napoles,  na  “severe ade­nomyosis at the uterus with multiple adenomyomata” ang iniindang sakit ni Napoles. Ibig sabihin ay may tumubong  tumor o bukol  sa matris ni Napoles  at dahil dito  nagkaroon ng mayoma.

Sinabi pa ng mga doctor, nadiskubre  ang tumor sa biopsy ngunit pre-cancerous ito na na-develop noong mga nakaraang buwan at naging life threatening.

Nabatid pa sa mga doctor, na kadalasang isang linggo ang itinatagal ng recovery period ng pasyente matapos sumalang sa ganitong uri ng operasyon kapag wala aniyang kumplikasyon.

Show comments