Misis ni Ping nabiktima ng snatcher sa Divisoria

MANILA, Philippines - Minalas na maaresto ang ilang snatcher na hinihinalang matagal nang may sindikato sa Divisoria market sa Tondo nang mabiktima ng kanilang ope­rasyon ay ang maybahay ng rehabilitation czar na si dating Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson, nitong Lunes ng hapon.

Sa follow-up operation, agad naman umanong nadakip ang suspek na kilala sa alyas na “Nognog” na madalas na ring ibinabalita at nakikita sa footages ng closed-circuit television (CCTV) sa aktong nag-iisnatch. Nabatid na ang tunay na pangalan ay Marvin Antonio ay naaresto sa Isla Puting Bato sa Binondo.

Sa reklamo, pagbaba mismo sa sasakyan ng biktimang si Alice Lacson, dakong alas- 4:00 ng hapon nitong Lunes sa panulukan ng C. Planas at CM Recto Avenue, agad na nilapitan at hinablutan ng hikaw ng suspek.

Agad inireport sa Asuncion-Police Community Precinct, ng Manila Police District Station 2.                                      

Isa-isa ring nadampot ang mga itinurong kasabwat ng suspek hanggang sa matunton mismo ang pinagbentahan ng hikaw na nagkakahalaga umano ng P250,000.

Kabilang sa kinasuhan ng robbery-snatching si Antonio at mga tinurong pinagpasa­han ng hikaw na sina Benjamin Cabrera ng Parola Compound at Ronald Pallega ng Vitas, Tondo habang sinampahan ng reklamong paglabag sa anti-fencing law ang inaresto ring bumili ng hikaw na si Sherlon Eguez ng Tondo, Maynila.

Nabatid na matagal nang may sindikato o grupo ng mga snatcher sa Divisoria at may tumatayo pa umanong lider ng grupo na nangangasiwa sa partehan ng pinagbentahan.

Show comments