Tulfo handang humarap sa DOJ at Senado

MANILA, Philippines - Handang humarap sa Department of Justice (DOJ), Senado at Ombusman ang broadcast journalist na si Erwin Tulfo sa oras na ipatawag ito para ibigay ang kanyang panig sa napabalitang tumanggap ito ng suhol mula sa National Agri-Business Corp. (NABCOR) na galing umano sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ayon kay Atty. Nelson Borja, abogado ni Tulfo, willing na humarap ang kanyang kliyente sa anumang investiga­ting body sa lalong madaling panahon para lumabas ang katotohanan kung tumanggap nga ba siya ng suhol o ito ay bayad para sa isang radio advertisement.

“Gusto pa nga ni Erwin na magharap-harap sila nina Rhodora Mendoza at Vic Cacal ng NABCOR sa Senado o DOJ para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo,” ani Atty. Borja.

Paliwanag pa ng abogado na may CD ng commercial at income tax withholding form na hawak ang kanilang kampo na magpapatunay na lehitimo ang tseke bilang bayad sa radio advertisement ng Department of Agriculture (DA) noon at hindi ito suhol.

Unang lumabas sa isang broadsheet na itinuro nina Mendoza at Cacal si Tulfo at ang isa pang broadkaster na si Melo del Prado na tumanggap sila ng suhol pero ipinalabas na ito ay bayad para sa isang advertisement. Ang sinasabing halaga ay P245,000 sa pamamagitan daw ng isang tseke ng UCPB at na-encash sa Ortigas noong 2009.

“Actually, P250,000 yung presyo ng radio commercial for a 30-second spot everyday for one month. Naging P245 thousand plus na lang dahil binawasan ng withholding tax sa BIR. May suhol ba na binabawasan ng buwis?” dagdag pa ni Borja.

 

Show comments