Ebidensiya vs Napoles kumpleto na

MANILA, Philippines - Kumpleto na ang ebidensiya na maaring magamit ng gobyerno laban sa itinuturong utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.      

Ito ang sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay sa posilidad na bigyan pa rin ng immunity ng Senado si Napoles sa sandaling humarap ito sa imbestigasyon sa Nobyembre 7.

Sabi ni Cayetano, hindi siya pabor na bigyan ng “immunity” si Napoles dahil wala na rin itong magiging silbi.

“Ako ay 100% against na bigyan siya ng kahit anong immunity dahil wala na itong magiging silbi. Unang una, kumpleto ang gobyerno ng ebidensya laban sa kanya,” pahayag ni Cayetano.

Magbibigay din aniya ng maling senyales sa iba pang whistleblowers kung bibigyan ng immunity si Napoles.

Pero papayuhan pa rin umano ni Cayetano si Napoles na sabihin ang lahat ng nalalaman nito sa pagharap sa Senado upang magkaroon ito ng katahimikan.

“I still advice her to tell all para sa kanyang konsensya, para sa kanyang pamilya, para sa katahimikan ng kanyang puso’t isipan, magsabi siya ng katotohanan,” ani Cayetano.

Dagdag ni Cayetano, hindi dapat humingi ng immunity si Napoles kapalit ng kanyang sasabihin sa imbestigasyon dahil hindi ito magiging maganda para sa imahe ng Senado.

Show comments