LPA pumasok na sa bansa

MANILA, Philippines - Pumasok na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isang bagong sama ng panahon sa silangan ng Hinatuan, Surigao.

Ayon kay Connie Dadivas, weather forecaster ng Pagasa, huling namataan ang low pressure area (LPA) sa layong 580 kilometro silangan ng Hinatuan.

Sinabi ni Dadivas na wala pa namang epek­to sa bansa ang panibagong sama ng panahon pero magdadala ito ng pag-uulan ngayong Sabado.

Anya, hindi pa rin kinakikitaan ng tsansa na maging ganap na bagyo ang LPA.

Gayunman, makararanas ng maulap na may katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang silangan ng Mindanao na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa doon samantalang magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa silangan ng Visayas at natitirang bahagi ng Mindanao.

Makulimlim naman ang panahon sa Luzon partikular sa Metro Manila.

 

Show comments