237 bagong pulis sasabak na

MANILA, Philippines - Inisyuhan na kahapon ng mga baril, uniporme, ka­gamitan, tsapa at tumanggap ng kauna-unahang isang buwang suweldo at clothing allowance ang nasa 237 mga bagong nagsipagtapos sa Philippine National Police Aca­demy (PNPA) kasunod ng pagsapi ng mga ito bilang mga bagong miyem­bro ng officers corps ng Philippine National Police.

Ang 237 mga bagong Police Commissioned Officers na may ranggong Police Inspectors ay pormal na nag-courtesy call at binati kahapon ni PNP Chief Director Alan Purisima sa ginanap na traditional reception ceremony sa Camp Crame.

Ayon kay PNP Spokes­man Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., ang 237 mga bagong Police Inspectors ay kabilang sa 252 mga bagong gradweyt sa PNPA “Tagapamagitan” Class 2013.

Labing-isa sa mga ito ay sumapi sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang apat ang nakomisyon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Pinayuhan ni Purisima ang mga batang opisyal na pagbutihin ang pagganap ng tungkulin at responsibilidad na iaatang sa mga ito bilang bahagi ng tapat at malinis na serbisyo publiko.

Bibigyan muna ng 30 araw na bakasyon ng mga bagong Police Inspectors bago magreport para sa kanilang orientation at higit pang pagsasanay sa field assignments.

 

Show comments