Kahit P2M ang reward, ‘Big 5’ di pa rin mahuli

MANILA, Philippines - Kahit itinaas na sa P2 milyon ang reward ay bigo pa rin ang pamahalaan na mahuli ang tinaguriang “Big 5”.

Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Pedro Arigo bagama’t umaasa ito na makakatulong ang nasabing halaga upang madakip sina dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes, kapwa iti­nuturing na mga  pangunahing suspek sa pagpaslang sa environmentalist at mamamahayag na si Dr. Gerry Ortega, subalit naniniwala siyang hindi ito ang solus­yon para mahinto ang culture of impunity sa bansa.

Binigyan diin ng Obispo na ang pagpapatupad ng batas na patas at walang palakasan ang solus­yon upang mapanagot sa batas ang mga mai-impluwensiyang pulitiko at indibidwal na nasasangkot sa krimen.

Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan na tul­dukan na ang katiwalian sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na naging daan ng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at mga wanted sa batas.

Hinikayat naman ni Bishop Arigo ang mga otoridad, mga law enforcement agency ng bansa na dagdagan ang kapabilidad at magpursige para hulihin at papanagutin sa batas ang mga salarin o mga suspek sa maraming kaso ng pagpaslang hindi lamang sa Palawan kundi maging sa buong bansa.

Nauna rito, inihayag ng DOJ na magbibigay sila ng P2 million reward money sa sinumang makapagtuturo para mahuli ang “Big 5” fugitives na sina dating Army General Jovito Palparan, dating Rep. Ruben Ecleo, negosyanteng si Delfin Lee, at mag-utol na Reyes na pawang wanted sa batas bunsod ng iba’t ibang kaso.

Show comments