Benepisyo ng mga barangay tanod isinusulong

MANILA, Philippine – Upang suklian ang libreng serbisyong ibinibigay, nais ng isang mambabatas na bigyan ng insentibo ang mga barangay tanod, kabilang dito ang 50 porsiyentong diskwento sa matrikula ng kanilang mga anak.

Nakita ni Negros Occidental 3rd district Rep. Alfredo Benitez ang kahalagahan ng mga tanod upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bawat baranggay, kaya naman inihain niya ang House Bill 58.

"Though they work on a voluntary-basis, barangay tanods do not hesitate to risk their lives just to ensure the security of the people in their respective communities," sabi ni Benitez.

Bukod sa 50 porsiyentong diskwento para sa dalawa anak ng bawat tanod, layunin din ng panukala na bigyan ng Christmas bonus ang mga tanod na lagpas isang taon na serbisyo. Makakatanggap ng bonus ang bawat tanod na katumbas ng kalahati ng natatanggap ng kapitan ng barangay.

Makakatanggap rin ang mga tanod ng insurance coverage na 75 porsiyento katumbas ng nakukuha ng kapitan alinsunod sa Republic Act 6942, gayun din ang libreng serbisyong legal mula sa abogado ng gobyerno para sa mga kasong kriminal at sibil.

Kinakailangan rin na maipasok sa National Health Insurance program ng gobyerno ang mga tanod upang makatanggap ng personal health services na babayaran ng bawat local government unit (LGU).

Ibibigay lamang ang mga benepisyo sa mga karapat-dapat na barangay tanod na naging matino sa serbisyo.

Pero hanggang 20 tanod lamang sa bawat barangay ang maaaring makatangap ng benepisyo at ang mga matatanggap na “honoraria” at “allowance” ay libre sa buwis.

Show comments