Palasyo hindi pipigilan si Pacquiao

MANILA, Philippines – Walang balak pigilan ng Malacañang ang planong pagtakbo ni Filipino boxing icon at Saranggani Province Rep. Manny Pacquiao sa pagkapangulo.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na kwalipikado naman si Pacquiao na tumakbo para sa pinakamataas na puwesto ng gobyerno.

"Kung sa damdamin ni Ginoong Pacquiao eh karapat-dapat siyang tumakbo, nasa kanya po 'yun. Kung gusto niyang sumabak sa pagkapangulo, nasa kaya po 'yun. We cannot stop anyone from wanting to fulfill their ambition," pahayag ni Lacierda.

Ngunit malabong makatakbo sa pagkapangulo ang 34-anyos na si Pacquiao sa 2016, dahil ayon sa Saligang Batas ay dapat nasa 40-anyos ang isang Pilipinong upang maging presidente.  

Samantala, kung si House Speaker Sonny Belmonte Jr. ang tatanungin ay dapat munang umani ng mas maraming karanasan si Pacquaio bago mag-asam na maging presidente.

Kaugnay na balita: Belmonte kay Pacquiao: Training ka muna sa Senado

Aniya, mas maganda kung sasabak muna sa Senado si Pacquiao.

“Mag-aspire muna siya for senatorship. 'Wag naman presidente kaagad, mag-senador muna," sabi ni Belmonte sa isang press briefing ngayong Lunes.

Noong nakaraang taon ay nabanggit na ni Pacquaio ang pagtakbo bilang Pangulo sa 2016 elections.

"If it's in God's plans, yes," sabi ng boksingero.

Unang sumabak sa pulitika si Pacquiao noong 2007 bilang kongresista ng General Santos City ngunit bigo siyang pabagsakin si Darlene Antonino-Custodio.

Noong 2011 ay muling sinubukan ni Pacquiao na tumakbo sa pagkakongresista at sa pagkakataon iyon ay nagwagi siya bilang kinatawan ng Saranggani.

Muli siyang nanaig sa katatapos lamang na eleksyon nitong Mayo para sa kanyang ikalawang termino.

 

Show comments