Multong Bahay (02)
ANG mga kaluluwa ng mga ninuno nina Aling Esperanza ay nakikinig lahat. Matagal na nilang nakikita ang kasamaan ng ugali ni Agyana.
Padaing na nagsasalita ang mga ito sa isa’t isa.
“Binigay sa kanya ng langit ang lahat. Kagandahan, katalinuhan at mga mababait na magulang at mga kapatid. Pero ano ang ganti niya? Puro kasakiman!”
“Hindi na natin kaila-ngang hintayin ang Diyos na siya ay mapatino.”
“Tama. Dahil ang Diyos ay ubod ng bait. Lagi na lang inuunawa kahit ganyan ang ugali.”
“Matagal bago Siya magpaparusa.”
“Ano ang dapat? Tayo na ang magpaparusa sa babaing ‘yan dahil kadugo naman natin ‘yan. Tayo ang may responsibilidad sa kanya.”
“Hindi naman natin puwedeng bigyan ng sakit o kapansanan. Dahil napakabait ng kanyang mga magulang at kapatid, sila rin ang mahihirapan sa pag-aalaga riyan kay Agyana.”
“Ano ang nararapat na parusa? Kamatayan ba?”
“Hindi natin puwedeng iparusa ang kamatayan. Diyos lamang ang may karapatan na gawin iyan. Besides, hindi parusa ang kamatayan kundi kanlungan pa nga ng mga pagod na sa hirap sa buhay at ayaw na sa material na mundo.”
“Dapat may maiisip tayong ibang parusa. Kailangan, maramdaman niya ang hirap. Mararanasan niya ang kakaibang pag-iisa. Iyung walang lalapit man lang sa kanya.”
“Dapat nga ay kinatatakutan siya.”
“Bakit hindi na lang natin siya gawing nilalang na hindi buhay pero hindi rin patay?”
“Paano ba ‘yon? Hindi ko yata maintindihan.”
“Gawin natin siyang ... buhay na multo. Kaya natin ‘yon.”
“Buhay na multo? Paanong nagiging multo ang buhay?”
“Isumpa natin siya. Mga patay tayo, mga kaluluwa na hindi nakarating sa level ng pagiging santo o anghel. Mga kaluluwa na hindi naman naging masama sa mundo kundi hindi lang nagpakabuti nang husto.”
“Magagawa natin ‘yon?”
“Subukan natin. Pagsama-samahin natin ang ating mga lakas. At iutos natin sa isip na maging buhay na multo si Agyana!”
“Ano ba ang itsura ng buhay na multo? At ano ang gagawin niyang perhuwisyo sa mundo?” Itutuloy
- Latest