Pangalawang Anino (501)
MASAYA sina Alona, unang anino at pangalawang anino na nagkasama-sama sila sa bundok na banal.
Kahit hindi pa nagigising si Yawan, hopeful sila na mangyayari rin ito.
Masaya na ring aalis sina Nanette at Arturo.
“Mag-enjoy kayo dito, Aling Alona. At hintayin n’yo lang ang paggising ni Yawan. Safe ho kayo rito.”
“Hindi kami matutunton ng mga demonyo rito, Nanette?” Tanong ng pangalawang anino.
“Magtiwala tayong hindi. Basta lagi kayong magdadasal. Sige ho, aalis na kami.”
At hinawakan na ni Nanette si Arturo, umangat sila sa lupa.
Naglakbay sila sa mababang kalawakan hanggang Maynila.
“Puntahan natin kaagad si Ariel sa simbahan, Arturo. I mean, may oras ka pa bang sumama sa akin? Okay lang naman kung may iba kang aasikasuhin.”
“Okay lang. Kahit ba alam ko namang may panahon palang halos kinalimutan mo ako.” May pagdaramdam pa rin si Arturo.
“Arturo, kahit ganito na ako, tao pa rin ako, natutukso ng demonyo. Sigurado namang ang pagiging demonyo ng prinsepe ang unang dahilan kaya napagaan niya ang loob ko sa kanya.”
“Pero banal ka na, talo ka pa rin ng kanyang kapangyarihan?”
“Hindi ako ang Diyos, Arturo. Ni hindi ako anghel. O santa. Taong banal lang ako pero tao pa rin.”
Napabuntong-hininga si Arturo. Lumuwag ang dibdib.
“Nauunawaan ko na naman. Sige, puntahan muna natin si Ariel. Baka kung ano na ang nangyayari sa kanya.”
“Salamat.”
SI ARIEL ay halos magbalik na ang normal na pang-unawa nang dumating sina Nanette at Arturo. Naroroon na rin ang pari.
“Ariel!”
“Nandidito na kayo, mabuti naman!”
“Nanette, Arturo ... alam n’yo bang kagagaling lang ni Father sa presinto? Naipakulong siya ni Angela, nagkunwari si Angela na gagahasain ni Father.”
“Ako, tanggap ko ang nagawa ni Angela kasi wala siya sa sariling pag-iisip. Ang prinsepe ng mga demonyo raw ang lumulukob sa kanyang isipan.”
“Totoo po ‘yan, Father. Pasensya na kayo kay Angela. Mabuti ho at pinalaya na kayo.”
- ITUTULOY
- Latest