Pangalawang Anino (499)
ANG mga nasa bundok na banal na sina Alona at Yawanaya ay patuloy lang na nanonood sa nangyayari kay Yawan.
“Paganda na siya nang paganda, Inay Alona!”
“Niri-restore na siya ng mabait na Diyos! Dinidinig ang mga dasal natin kasi wala tayong kapagod-pagod sa pagdadasal, Yawanaya!”
“Kapag nagising na siya, halos buo na tayo! Mas masaya!”
“Tama ka, Yawanaya! Mabubuo na tayo … pero may kulang pa ring isa! Ang unang anino!”
“Oo nga … si Angelika. Para talagang isang milagro na siya pala ay magkakaroon din ng sariling buhay.”
“Pero okay lang, maayos naman siya sa kanyang kinaroroonan. Mas nauna pa siya sa atin na napunta sa puwersa ng Diyos na mabait.”
“Tama ka, Inay Alona.”
Sabay silang napatingala.
“Yawanaya, parang … parang may bababa. May paparating!”
“Meron nga, Inay Alona! Nasa himpapawid. Pababa rito sa bundok na banal!”
“Iisa lang ang maaring pumarito na nanggagaling sa ulap, Yawanaya.”
“Si … Nanette ho. At may dalawa siyang kasama.”
Lumapag na sa lupa sina Nanette, Arturo at Angelika.
“Ang unang anino!” Napasigaw si Yawanaya.
“Kanina lang ay nagtanungan kami ni Yawanaya kung kailan kami mabubuo.” Maluha-luha sa tuwa si Alona.
“Ngayon dinala ninyo si Angelika, buo na kami!” Kulang na lang ay magsisisigaw si Yawanaya.
“Dito lang siya ligtas, siya ang pinupuntirya ngayon ng hari at prinsepe ng mga demonyo.” Sagot ni Nanette.
Niyakap nina Alona at Yawanaya ang unang anino.
“Babantayan ka namin dito!”
“Hindi kami papayag na makukuha ka ng mag-ama ng kasamaan, Angelika!”
Naluha sa katuwaan ang unang anino.
Ngayon lamang siya nakatikim ng pagmamahal ng dalawa. “Ang saya-aya ko … ito ang pinakahihintay ko. Magbabago kayo at mamahalin ninyo ako!
Itutuloy
- Latest