^

Pang Movies

Gabby nakabangon na

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Palagay namin, normal lang naman ang ginawa ni Gabby Concepcion na pakikipag-negotiate sa GMA 7 para sa mga susunod niyang gagawin, at kung ano nga ba ang planong maiaalok ng network para sa kanya. Normal ang ganyang pagbabago ng negosas­yon, lalo na nga at naging isang malaking hit ang kanyang ginawang serye hanggang sa hu­ling pagpapalabas noon.

Natural iba ang status ng career ni Gabby bago niya ginawa ang Ika-6 Na Utos. Walang duda na sikat si Gabby, pero hindi ganoon kaganda ang kalagayan ng kanyang career noong unang lumipat siyang sa GMA 7 at gawin ang kanyang serye. Ngayon mas sikat siya, at maganda pa ang katayuan ng kanyang career. Hindi maikakaila na sa ngayon, bankable na ulit siya.

Natural lang na sa ganyang status, magkakaroon naman ng panibagong offer ang network at kailangang pag-aralan iyon ni Gabby. Ang maganda nga, nagkakasundo naman sila. Hindi man sabi­hing utang na loob, hindi maikakaila na sa GMA 7 bumangon nang husto ang career ni Gabby.

Ang pinag-usapan lang naman nila ay ang mga plano ng network sa telebisyon. Ibig sabihin, nananatiling open ang kanyang options sa pelikula. Kung magkasabay-sabay nga ang kanyang mga proyekto sa telebisyon, malamang maiwan na naman ang mga plano sa pelikula. Pero choice ni Gabby kung ano ang una niyang gagawin.

May isang consi­deration na hindi natin maaaring iwasan, taong may pamilya si Gabby, at ngayon may dalawang maliliit pang anak na kailangan niyang isipin ang kinabukasan, bukod sa mga nauna niyang tatlong anak. Natural na iisipin niya kung ano ang mas makakabuti sa kanyang career. Natural lang din na isipin niya kung saan siya mas kikita ng malaki. Alam ninyo sa show business, hindi ka puwedeng maging masyadong emotional eh. Hindi ka mabubuhay dito sa mga sentimiyento. Mabubuhay ka rito kung marunong kang manga­laga ng career mo, at alam mo kung ano ang dapat na priorities mo. Kung hindi baka pulutin ka na lang sa kangkungan.

Odette natubos na lahat ng naisanlang alahas

Isa sa mga artistang pinakamatagal na naming naging kaibigan ay si Odette Khan. Madalas namin siyang kakuwentuhan. May panahon pang madalas kaming nasa bahay niya, para makipagkuwentuhan lang. Alam na alam na namin ang buhay at ugali niya. Kaya nga natuwa kami nang muli namin siyang makita roon sa press conference ng seryeng Ang Forever Ko’y Ikaw. Matagal na kasi namin siyang hindi nakikita simula noong lumipat siya ng bahay sa Laguna.

Nakakatuwa si Odette. Inamin pa niya sa mga tao ang katotohanang noong ma-stroke siya, wala siyang trabaho, kailangan niyang isanla ang kanyang mga alahas “na marami talaga doon sa Cebuana”. Pero nabigyan siya ng trabaho ng GMA 7, nakasama siya doon sa katatapos lamang nilang serye, at natubos daw naman niyang lahat ang mga alahas niya. “Ni minsan, hindi ako na-late sa pagbabayad ng tubo kaya madali ko ring natubos,” sabi pa ni Odette.

Bihira iyong mga artistang umaamin na sila ay dumaan din sa hard times. Pero iba talaga si Odette. Siya iyong kahit na noong araw, ano man ang tanungin mo, sasabihin niya kung ano ang totoo. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang totoong nasa loob niya. Hindi iyan iyong magpapaka-showbiz.

Ngayon mas maganda pa ang lagay ng career ni Odette, at sana nga magtuluy-tuloy naman iyan dahil napatunayan na naman niya sa maraming pagkakataon na siya ay isang magaling na aktres.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with