Tres Queridas (59)

MAINIT at mausok ang hangin sa isang bahagi ng Maynila. Sa ilalim ng madilim na pundasyon ng LRT, naghahalo ang ingay ng mga bumibiyaheng jeepney, at ang mabibigat na yabag ng mga taong nagmamadaling pumasok sa kani-kanilang trabaho.

Sa gitna ng siksikang tao, halos hindi mapapansin sina Celeste at Diana. Naka-simpleng t-shirt, maong­, may suot na baseballcap sa upang takpan ang kanilang mga mukha. Sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon ng pagtatago, pumasok sila sa lungsod hindi bilang mga biktima kundi bilang mga tagatugis ni Carlo.

“Dapat nasa hilera lang ito ng mga lumang pawnshop at money changer,” sabi ni Diana.

Pumosisyon sila sa tapat ng isang maliit na karin­derya ilang metro ang layo sa pawnshops at money changer. Umorder si Celeste ng dalawang kape. Sa kabilang ng kalsada, napansin nila ang sign board: “Royal Express Remittance & Pawnshop.” Ito ang mismong pangalan at address na nakatatak sa lukot na resibong nakuha nila sa Isla Balod.

“Dalawang CCTV sa labas,” sabi ni Celeste habang nakatitig sa itaas ng salaming pinto ng shop. “Isa nakatutok sa sidewalk, isa sa mismong counter. Pero tingnan mo ang anggulo... may blind spot sa gilid ng karatula.”

“At tingnan mo ang guard sa pintuan,” sabi ni Diana­. “Tuwing tatlumpung minuto, lumalabas para mag-yosi sa gilid ng alley.”

Ngunit habang mataman nilang pinag-aaralan ang galaw ng lugar, may isang napakahalagang detalye si Diana na agad umagaw sa kanyang pansin.

Sa tabing-pinto ng remittance shop, may isang makipot na daanan na nakakabit sa katabing abandonadong gusali. Mukha itong simpleng bodega ngunit sa tuwing may pumapasok na customer, hindi sila lumalabas pabalik sa main sidewalk. Sa halip, lumalabas sila sa maliit na pinto sa likod na eskinita. Isang perpekto at lihim na escape route.

Napangiti si Diana. “Doon siya lalabas. Ganyan mag-isip si Carlo. Ayaw niyang humaharap sa kalsada kung saan maraming puwedeng makakita sa kanya.”

“Ibig sabihin, hindi natin kailangang mag-abang sa mismong harap ng counter,” sabi ni Celeste. “Sa likod ng eskinita tayo maglalagay ng sarili nating bitag. Kapag kinuha ng tauhan niya ang pera sa Biyernes, hindi na siya makakatakas sa atin.” (Itutuloy)

Show comments