EDITORYAL - Ilantad ang lahat para sa katotohanan

PATULOY ang impeachment hearing ni Vice President Sara Duterte na nasa ika-12 araw na. Katulad nang nangyari sa ika-11 araw ng impeachment nakasentro pa rin ito sa “confidential” na pondo na ginastos ng Office of the Vice President.

Tumestigo muli ang dating COA auditor na si Roderick Wamil tungkol sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng OVP.

Mahalagang ulitin: confidential funds are still public funds. Galing pa rin ito sa taumbayan. Kaya kahit may mga detalyeng kailangang itago para sa seguridad o sensitibong operasyon, hindi dapat itago ang pananagutan.

Sa pagdinig kahapon, lumitaw ang seryosong tanong tungkol sa dokumentasyon ng ilang gastos na nabanggit na sa ika-11 araw ng hearing. Ayon sa testimonya, may mga pondong ginamit umano sa gamot, biyahe, rewards, tables, chairs, computer equipment, at iba pang items. May mga acknowledg­ment receipts, pero ayon sa auditor, may mga kulang na supporting documents, may hindi malinaw na kaugnayan sa confidential operations, at may mga hindi sumusunod sa joint circular.

Hindi maliit na usapin ito. Ang Article I ay tuma­talakay sa umano’y misuse ng P612.5 milyon na confidential funds kung saan P500 milyon mula sa OVP at P112.5 milyon mula sa DepEd. Sa ganitong halaga, hindi sapat ang simpleng paliwanag na “ginastos” o “na-liquidate.” Kailangang malinaw kung para saan, paano, kailan, at alinsunod ba sa patakaran.

Hindi hinihingi ng publiko na ilantad ang sensitibong operasyon kung may tunay na banta sa seguridad. Pero iba ang lihim na operasyon sa lihim na pagwaldas.

Dito mahalaga ang impeachment trial. Hindi ito dapat maging paligsahan sa pagitan ng majority at minority bloc. Dapat itong manatiling proseso ng ebidensiya. Ang depensa ay may karapatang sumagot. Ang prosekusyon ay may tungkuling mag­patunay. At ang Senado ay may obligasyong makinig nang patas.

Pero hindi dapat mawala ang mas simpleng prin­sipyo: ang paggastos ng pera ng bayan ay hindi dapat nawawala ang pagka-publiko dahil lang tinawag itong confidential.

Kung may resibo, dapat itong ilahad. Kung may paliwanag, nararapat ibigay. Kung may paglabag, nararapat panagutin. Ilantad ang dapat ilantad para sa katotohanan.

Show comments