Imago (42)

ANG kadiliman sa underground ng dambana ay hindi katulad ng anumang gabing naranasan ni Maya. Ito ay isang solidong pa­der ng kawalan: mabigat, malamig, at tila sumasakal sa kaniya. Habang nakatayo sa dulo ng hagdan, naramdaman niya ang pa­nunuot ng ginaw sa kanyang mga buto.

Sa matinding takot, naalala niya ang kanyang ­jacket. Sa isang bulsa nito, nahanap niya ang isang maliit, basang-basang pakete ng posporo, isang souvenir sa hotel na tinuluyan nila ni Nelson. ­Nanginginig ang kaniyang mga daliri habang binubuksan ito. Kalahati ng mga posporo ay nabasa, ngunit may natitira pang lima na tuyo.

Sa unang kiskis, ang palito ay naputol.

Sa ikalawa, ang kislap ay mabilis na namatay.

Sa ikatlong pagtatangka, isang maliit, dilaw na apoy ang sumiklab. Ang munting liwanag ay nagbigay ng isang maliit na bilog ng kaligtasan sa gitna ng kadiliman. Sa sikat ng apoy, nakita ni Maya na ang pasilyo sa kanyang harap ay hindi tuluy-tuloy. Sa halip, ito ay nag-aabang sa tatlong magkakaparehong madilim na tunnel—kaliwa, gitna, at kanan.

Tinitigan ni Maya ang apoy, habang ang init nito ay unt-unting nanunuot sa kaniyang nanlalamig na mga daliri. Alam niyang bawat palito ng posporo ay nagbibigay lamang ng ilang segundo ng liwanag. Wala siyang oras upang mag-isip nang matagal. Kung hindi siya makakapili, ang kadiliman ay tuluyan nang lalamon sa kanya.

Habang ang apoy ay unt-unting namamatay, isang mahinang ihip ng hangin ang naramdaman niya sa kanyang pisngi.Ang hangin ay nanggagaling sa tunnel sa gitna. Ang may sin­ding palito ay tuluyang namatay, ngunit bago ito nawala, isang boses ang narinig niya mula sa dilim.

(Itutuloy)

Show comments