Imago (30)

BINALOT ng lamig ang sikmura ni Maya habang pinanonood ang paulit-ulit na pag-play ng video. Humarap siya muli sa receptionist, pilit na pinatatatag ang kaniyang boses. “May iniwan ba siya? May sinabi ba siya bago siya umalis?” tanong niya sa salitang ingles.

Nag-isip ang matanda, bago tila may naalala.

“Ah! May iniwan siya sa counter. Sabi niya, nahulog mo raw ito sa pasilyo.”

Yumuko ang receptionist at kinuha ang isang maliit na bagay mula sa ilalim ng desk. Inabot niya ito kay Maya, isang tradisyunal na omamori, isang telang amulet ng proteksiyon na kadalasang binibili sa mga temple sa Japan. Kulay lila ito, may bordang gintong sinulid, at nakatali ng puting kordon.

Agad na hinablot ni Maya ang agimat. Pagbaliktad niya sa maliit na pouch, doon niya nakita ang isang pamilyar na marka: isang maliit, tuyo, at kulay-kalawang na mantsa sa gilid ng tela. Tila dugo ni Nelson.

Nanginginig ang mga daliri ni Maya habang dahan-dahang kinakalas ang buhol ng kordon. Alam niyang isang kalapasta­nganan ang buksan ang sagradong amulet, ngunit wala na siyang pakialam sa tradisyon. Hinila niya ang maliit na piraso ng kahoy na nasa loob, na ka­raniwang naglalaman ng panalangin ng mga monghe.

Ngunit walang panalangin doon.

Sa ibabaw ng makinis na kahoy, may nakasulat na mga numero gamit ang itim na marker, isang tiyak na geographic coordinates, at sa ibaba niyon, isang pangalan ng isang lumang sementeryo sa libis ng bundok sa silangan ng Kyoto.

Tumingin si Maya sa labas ng pinto ng lobby. Maliwanag na ang umaga­, ngunit ang sikat ng araw ay tila walang lakas para pawiin ang dilim ng larong kanyang pinasukan.

(Itutuloy)

Show comments