^

Punto Mo

SUV: Mapanganib sa mga bata at pedestrian?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

TUMAWAG ng pansin ang report kamakailan ng Cosmos Magazine na nagsasabing mas mapanganib at mas nakamamatay sa mga bata, siklista, at pedestrian ang mga sport utility vehicle (SUV) kumpara sa karaniwang mga sasakyan.

Ayon sa ulat, sa pagsusuri sa 24 na siyentipikong pag-aaral na sumaklaw sa 682,509 kaso mula 1980 hanggang 2022, lumitaw na may 44 percent mas mataas na posibilidad ng pagkamatay ang pedestrian o siklistang nabangga ng SUV kaysa ng karaniwang kotse. Mas grabe pa ito sa mga bata — 82 percent ang tsansa ng kamatayan kapag ang nakabangga ay SUV o light truck.

Ang mga SUV ay mas malaki, mas mabigat, mas mabilis, at may mas mataas na harapan, ayon sa mga dalubhasa. Ayon kay Professor Stuart Newstead ng Monash University Accident Research Centre, kapag bumangga ang SUV sa pedestrian, ang unang tinatamaan ay ang dibdib o itaas na bahagi ng katawan kung saan naroroon ang vital organs gaya ng puso at baga.

Dahil dito, mas malala ang pinsala kumpara sa karaniwang sasakyan na kadalasang tumatama muna sa binti at maaaring magpatalon sa biktima papunta sa hood ng kotse na mas malambot.

Isang halimbawa ay ang trahedyang naganap sa NAIA noong Mayo 4 kung saan namatay ang 5-anyos na batang babae at isang 29-anyos na lalaki matapos masagasaan ng SUV. Hindi maiiwasang magtanong: gaano nga ba kaligtas ang mga pampublikong lugar gaya ng airport para sa mga pedestrian, lalo na sa mga bata?

Araw-araw, labas-masok ang napakaraming tao at sasakyan sa mga airport. Hindi maiiwasang may mga batang kasama—anak ng pasahero, o kasamang naghahatid o sumusundo.

Ang mga SUV ay kabilang sa mga sasakyang madalas dumaan, pumarada, o maghintay sa ganitong lugar. Kaya’t nararapat lamang na mas higpitan pa ang mga panseguridad na hakbang sa mga pampublikong espasyong ganito, lalo na sa pag-aasikaso sa kaligtasan ng mga pinaka-vulnerable gaya ng mga bata.

Mahirap magbigay ng tiyak na konklusyon: kung isa bang ordinaryong kotse lamang ang nakabangga sa NAIA ay baka buhay pa ang mga biktima. Ngunit hindi rin maitatanggi: delikado at posibleng nakamamatay ang mabangga ng kahit anong klase ng sasakyan — SUV man o hindi.

Gayunman, kailangang pansinin ang lumalalang sitwasyon: patuloy ang pagdami nang malalaking sasakyan gaya ng SUV sa mga lansangan. Sa Australia, ayon sa Cosmos, 70 percent na ng mga bagong sasakyan ay SUV o ute. Ganito rin sa Pilipinas, lalo na sa mga lungsod.

Ang disenyo ng mga SUV — mataas, matambok ang harapan, at may limitadong visibility — ay hindi lamang banta sa mga pedestrian, kundi pati na rin sa mga sakay nito. Kung pagbabatayan ang mga datos, kailangang isaalang-alang ng mga consumer, car manufacturer, at gobyerno ang pangkalahatang kaligtasan sa mga desisyong may kaugnayan sa transportasyon.

Ang mga susunod na hakbang ay dapat malinaw: piliin ang mas ligtas na sasakyan, isama sa disenyo ng SUV ang mga bagay na nakatuon sa pedestrian safety (gaya ng mas mababang harapan at mas malinaw na visibility), at lumikha ng mga regulasyong maglilimita sa panganib sa mga kalsada.

Ang kaligtasan ay hindi dapat nakadepende sa laki o lakas ng sasakyan — kundi sa pananagutan nating lahat na gawing ligtas sa lahat ng oras ang kalsada.

-oooooo-

Email: [email protected]

MAGAZINE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with