KINAUSAP ni Bianca sina Inah at Yana nang hindi kaharap si Honor.
“Iisa ang iniisip natin, Inah,” sabi ni Bianca. “Nagdududa ako kay Rocky. Baka itinakas niya ang pera na nasa black bag.’’
“Oo nga Ate.’’
“Bakit hanggang ngayon, hindi pa siya lumulutang? Bakit hindi siya nagti-text kay Honor?’’
“Hindi po kaya may nangyari sa kanya Ate?’’ tanong ni Yana.
“Kung may nangyari, sana sinabi ng kapatid niya sa PNP.’’
“Tama ka Ate. Ang kapatid niya ang dapat mag-report sa atin dahil sinauli na ang pera.’’
“Pero sabi naman ng Kuya Honor mo, mapagkakatiwalaan si Rocky. Mabuting tao siya.’’
“Sana nga Ate,” sabi ni Inah. “Kasi ako ang hahantingin ng sindikato.’’
Natakot si Bianca.
“Baka madamay tayo.’’
“Ang iniisip ko Ate ay baka si Kuya Honor ang gantihan ng sindikato. Malupit po sila. Walang patawad. Pinapatay nila ang lalaki matapos itortyur. Ilan na po ang pinatay nila sa torture chamber.’’
“Diyos ko.’’
“Baka po hinahanap na nila ako,’’ sabi ni Inah.
(Itutuloy)