Sideline kailangan bang ipaalam sa employer?

Dear Attorney,

Plano ko pong kumuha ng sideline para madagdagan ang kita ko. Pinapayagan ba ito sa batas at kailangan ko bang ipaalam ito sa aking employer? —Tim

Dear Tim,

Wala namang batas na nagbabawal sa pagkakaroon ng higit sa isang mapagkukunan ng hanapbuhay, bukod na lang kung ikaw ay isang public official.

Ang maari lang pumigil sa iyo sa pagkuha ng sideline ay ang iyong employment contract, na maaring may probisyon na nagbabawal sa iyo na magkaroon ng ibang trabaho lalo na kung ito ay para sa isang employer na nasa kaparehong negosyo o industriya ng iyong kasalukuyang pinapasukan.

Kung wala namang ganyang pagbabawal sa iyong kontrata, wala akong nakikitang problema kung ikaw ay kukuha ng isa pang mapagkakakitaan, basta’t gagawin mo ito sa iyong sariling oras at hindi ito makaaapekto sa performance mo sa iyong kasalukuyang trabaho.

Dahil dito, hindi ko rin nakikita ang pangangailangan para magpaalam sa iyong employer dahil may karapatan ka namang gamitin ang iyong oras sa labas ng trabaho sa paraang nanaisin mo.

Show comments