AYAN na nga, nagkakaisang nagdesisyon ang Metro Manila mayors na tuluyang ipagbawal sa national roads ang mga e-vehicles partikular ang mga e-bikes/trikes kasama na rin bagama’t hindi electronic ang mga tricycle at kuliglig.
Isang resolusyon na ang inilabas ng Metro Manila Council kung saan nakapaloob din nga rito na, oobligahin na rin ang mga driver ng e-vehicles na ito na kumuha ng lisensiya.
Kung walang maipapakitang lisensiya, iimpound umano ang dala nitong behikulo na hindi rin naman rehistrado.
Sa mga lalabag, naglaan din ng karampatang multa na P2,500.
Kadalasang nasusumpungan ang mga naturang behikulo sa mga pangunahing lansangan na madalas pang nagsasanhi ng trapik.
Magiging epektibo ang naturang polisiya 15-araw matapos ang publication at information campaign.
Layon nito na maprotektahan ang mga driver at pasahero maging ang mga pedestrian sa ganitong uri ng sasakyan na hindi naman rehistrado. Bukod pa sa walang lisensiya ang nagdadala nito.
Wala nga namang kalaban-laban ang sakay nito o madidigrasya ng mga ito.
Kung tutuusin, alam naman ng mga ito na bawal sila sa mga pangunahing lansangan, pero talagang mga pasaway, sige pa rin ang arya.
Kung minsan nga sila pa ang naghaharian sa daan, pumapagitna pa sa kalsada.
Nakapaloob pa sa resolusyon na bawat LGU sa Metro Manila ay gagawa ng kani-kanilang mga ordinansa para sa secondary at inner roads sa ilalim ng kanilang nasasakupan.
Kaya nga, bukod sa listahan na mga pangunahing daan kung saan bawal na ang mga naturang behikulo, inaasahang madaragdagan pa ang mga ito na tutukuyin ng mga lokal na pamahalaan.
Sakaling tuluyan nang pairalin, dapat din naman na masusing mabantayan ang pagpapatupad para magtagumpay at hindi lang magamit para mapagkakitaan ng ilan.