Babae na may matabang dila, nakatanggap ng Guinness World Record!

ISANG ginang sa Portland, Oregon, U.S.A.  ang nakapagtala ng bagong world record sa pambihirang size ng kanyang dila!

Kinumpirma kamakailan ng records keeping organization na Guinness World Records na si Jenny DuVander ang bagong record holder ng titulong “Largest Tongue Circumference (Female)”. Ito ay matapos masukat ang kanyang dila na may circumference na 13.25 cm o 5.21 inches.

Matagal nang napapansin ni DuVander na hindi pangkaraniwan ang kanyang dila. May hinala na siya noon na pang-Guinness ang sukat nito ngunit hindi naman niya sineryoso na mag-sumite ng world record application para dito.

Ngunit nagbago ang isip niya nang mapansin na ang kanyang anak na si Evan ay mahilig magbasa ng Guinness Book of World Records taun-taon. Naisip niya na magiging proud si Evan kapag nakita siya nito sa naturang libro.

Upang masukat ang dila ni DuVander, gumamit ang kanyang dentista ng dental floss para makuha ang circumference nito.

Sa panayam kay DuVander, isa sa advantage ng kanyang dila ay magaling siyang tumugtog ng flute. Ayon dito, nakakatulong ang kanyang dila sa pagtugtog ng mabibilis na nota.

Sa kasalukuyan, hinihintay ni DuVander ang release ng Guinness Book of World Records 2025 para ipakita sa kanyang anak na kabilang na siya sa paboritong libro nito.

 

Show comments