Bigas, remedyo sanabasang cell phone?

Lumabas sa isang isyu ng  Popular Science bagaman napabalita rin sa ibang website ang isang pahayag ng Apple, isa sa malalaking kompanyang gumagawa ng cell phone,  na nagpapaalala sa publiko na huwag ilagay sa bigasan ang kanilang iPhone kapag nababasa.

Pinabulaanan nito ang matagal nang paniniwala o sabi-sabi o haka-haka na nakakatulong na makakapagpatuyo sa basang cell phone kung ilulublob ito sa isang timba o sako o planggana ng bigas. Lalo lang masisira ang cell phone sa ganitong sistema.  Hindi epektibong solusyon ang bigas sa problema sa nababasang cell phone.

Bagaman maraming taon na ang nagdaan nang kumalat ang mga paniniwala sa tulong umano ng bigas sa nababasang cell phone, marami na rin namang mga eksperto ang nagpapasinu­ngaling dito.  Pero hindi katakatakang mapabalita ngayon  ang naturang pahayag ng Apple dahil nagmula na ito sa isang kilalang malaking kompanyang gumagawa ng cell phone bagaman partikular nitong pinatutungkulan ang produkto nitong iPhone.

Sana nga rin meron ding ganitong pahayag o paglilinaw ang iba pang mga kumpanya ng cell phone tulad ng Oppo, Vivo, Xiaomi, Samsung, LG, Lenovo, Nokia at iba pa.

Meron na namang mga produktong cell phone sa kasalukuyan na sinasabing water-proof o water resistant pero hindi ito lubhang mapapanaligan at hindi pa ganap o perpekto ang teknolohiya nito para hindi ito masira kapag nababasa.

Hinihinala rin na nagmula ang naturang paniniwala sa kasaysayan ng potograpiya mula pa noong 1940s na pinatutuyo sa bigasan ang nababasang camera. Pero lumalabas sa mga pagsubok na hindi ito epektibo sa pagpapatuyo sa nababasang cell phone.

Maraming taon din ang nakararaan, lumabas sa isang pag-aaral na “Evaluation of Rice as a Method of Drying Out Waterlogged Cell Phones” na isinagawa ng DTJ Consulting at kinomisyon ng TekDry na hindi ganap na nakakapagpatuyo ang bigas sa nababasang cell phone.

Ayon sa TekDry, meron lang kulang-kulang 48 oras para maisalba pa hangga’t maaari ang nababasang electronic device tulad ng smartphone. Sayang lang ang mga oras na ilalagi ng basang smartphone sa bigasan dahil hindi ito talaga nakatutuyo.

Inirerekomenda na kapag nabasa ang cell phone, tanggalin agad ito sa lugar na nagpabasa rito,  huwag itong isaksak sa kuryente, patayin ang gadget, tanggalin ang baterya hangga’t maaari, punasan ang basang parte nito at huwag gamitan ng blow dryer o oven.  Tanggalin ang SIM card at anumang SD card para mapasukan ng hangin ang mga port ng cell phone.

Ayon sa Apple, ipagpag sa palad ang cell phone na ang connector ay nasa ilalim at ilagay ito sa isang tuyong lugar sa loob ng 30 minuto. Pagkatapos, subukang ikabit ang charger.

Kapag hindi pa rin gumana, magtungo sa isang service center o technician para matingnan kung magagawa pa ang cell phone na nasira makaraang mabasa. Ayon sa Apple, ipagpag sa palad ang cell phone na ang connector ay nasa ilalim at ilagay ito sa isang tuyong lugar sa loob ng 30 minuto. Pagkatapos, subukang ikabit ang charger.

Marahil, ang mga gumagawa ng cell phone, dapat inilalakip nila sa ibinebenta nilang produkto ang mga nakasulat na paalala at tamang gagawin kapag ito ay nabasa.

•••••••

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments