Manang Rose (52)

Habang tinatanaw ni Manang Rose sina Gino at Eliz ay nakadarama siya ng kasiyahan sapagkat nakikita niyang magkasundo ang dalawa. Mula nang magkaroon ng problema si Eliz sa mama nito ay naging magkalapit na sila ni Gino. Nasabi sa kanya ni Eliz na malawak ang pang-unawa ni Gino kaya malaya siyang nakapagsabi ng problema rito. Mahusay daw magpayo si Gino ayon kay Eliz.

Naisip ni Manang na tama si Eliz. Maski nga siya ay hanga kay Gino sa husay nitong magbigay ng payo. Si Gino nga ang nagpayo na kausapin niya ang mama ni Eliz at ipaalam dito nang deretsahan ang problema. Wala nang liguy-ligoy daw. Kailangang malaman ng mama ni Eliz ang dinadalang problema ni Eliz.

Nagpasya si Manang Rose ng oras ding iyon: Bukas ay kakausapin niya ang mama ni Eliz. Bago siya pumasok sa opis ay dadaan na siya sa bahay nito. Malapit lang naman ang bahay nina Eliz.

Pero kailangan niyang iplano ang gagawing pakikipag-usap sa mama ni Eliz. Hindi biro ang problema na bubuksan niya at kailangang maging maliwanag ang punto niya kung bakit kakausapin ang mama ni Eliz. Kung maari, gagawa siya ng listahan ng mga sasabihin. Mabuti nang nakalista para hindi magkamali.

Hindi niya alam kung ano na ang ugali ng mama ni Eliz ngayon. Noon, isang babaing mabait at mahinahong magsalita ang mama ni Eliz. Kaya nga hindi niya ito natanggihan nang makiusap na ipa-“ampon” sa kanya si Eliz.

Sana yun pa rin ang babaing nakausap niya noon.

(Itutuloy)

Show comments