Reporma sa PNP ­kayanin nawa ni ­General Acorda

KULAPOL ng dungis ang imahe ng PNP dahil sa mga opisyal at tauhan na nagsangla ng kaluluwa sa mga sukab na pulitiko!

Aburido na ang mga kongresista sa kasong may kinalaman sa nakunpiskang 990 kilos ng shabu na kinupitan ng 42 kilos ng mga tauhan PNP-Drug Enforcement Group (PDEG). Nasa 49 na pulis ang sangkot sa kaso. Nadismaya na rin ang mamamayan na nagbabayad ng buwis para isuweldo sa mga ito. Mabuti pang sa pulubing bulag na lang daw ibinigay. Oo nga naman!

Nakatikim ng masarap na buhay sa pagiging “all around executioner” ng mga pulitiko ang ilan sa pulis. Naging tulay pa sila sa pasilyo ng mga hepe nila kalaunan naging bigtime partners ng mga salaula. Umubra kaya sila kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ngayon? Hintayin natin!

Mas maliit ang suweldo ng provincial at municipal police noong bago pa naging Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) pero mas iginagalang ang pulis noon kahit tsapa, pito at batuta lang ang dala sa pagroronda.

Namimitas lang ng ligaw na patola ang mga pulis noon para haluan ng sardinas na pang-ulam ng pamilya nila. Kaya sila tinawag na “pulis patola” na ginawang katatawanan sa likod ng pagiging marangal nila. “Ninja cop” na ngayon ang tawag sa mga nasasangkot sa droga.

Itinatag ang Philippine National Police Academy (PNPA) noong 1978 upang humubog nang ihahalili sa produkto ng Philippine Military Academy (PMA) na pinagmumulan ng liderato sa noo’y PC-INP na naging PNP noong 1991. Bakit nga ba PMAers lang ang nagiging PNP chief?

Mas marami pa rin naman ang matitinong pulis kaya huwag mawalan ng pag-asa. Maikli lang ang nalalabing panahon ni Acorda sa PNP para repormahin ito kaya tulungan natin siya sa pamamagitan ng panalangin! Amen po ba?

 

Show comments