EDITORYAL - Programa sa malnutrisyon

MAPUPUROL ang mga batang nasa Grade 4 students sapagkat hindi makasabay sa mga bata sa ibang bansa. Mahina sa Science at Math, ayon sa assessment ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2019. Nakaiskor lamang ang mga Pilipinong estudyante ng 297 sa mathematics at 249 sa science, na maituturing na “napakababa” kumpara sa ibang nag-participate na bansa. Nanguna ang Singapore sa iskor na 625 (science) at 595 (math).

Mahina rin ang mga estudyanteng Pilipino sa reading comprehension sa isinagawang Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018. Sa 79 na nakipag-participate na bansa, ang Pilipinas ang may pinakamababang iskor. Ang PISA ay nag-eeksamin sa kakayahan ng mga estudyante sa buong mundo hindi lamang sa reading apprehension kundi pati rin sa ­mathematics, at science.

Wala pang bagong assessment sa mga estudyante sa larangan ng science, math at reading apprehension sa nakalipas na dalawang taon dahil sa pandemya. Kung magkakaroon muli ng assessment, maaring mababa na naman ang makukuha ng mga batang Pinoy.

Malaki ang kaugnayan ng malnutrisyon sa ipinakikitang “kahinaan” ng mga bata sa larangan ng science, math at reading comprehension. Kapag malnourished ang mga bata, asahan nang mapurol din ang utak. Ang wastong nutrisyon ay malaki ang papel sa pag-unlad ng kaalaman ng mga bata.

Nakagugulat ang report na malaki ang problema ng bansa sa malnutrisyon. Hindi lamang ang pagkapurol ng utak ang apektado kundi nababansot o napipigilan ang paglaki ng mga bata. Ayon pa sa report, tinatayang may 1-milyon ang bilang ng mga batang bansot sa bansa. Ayon sa Expanded National Nutrition Survey (ENNS), mataas ang insidente ng pagkabansot sa mga bata dahil sa malnutrisyon.

Noong Miyerkules, inilunsad ni Pres. Ferdinand Marcos Jr. ang P10 bilyong programa para masolusyunan ang problema sa malnutrisyon. Pamamahalaan ang programa laban sa malnutrisyon ng Philippine Multisectoral Nutrition Project at ipatutupad sa 29 na probinsiya na mataas ang bilang ng mga batang bansot. Kasama rin sa programa ang mga buntis at nagpapasusong mga ina.

Maraming bata ang napapabayaan at hinahayaan na lamang na sagasaan ng malnutrisyon. Maraming kawawang bata na hindi sapat o halos wala nang nutrisyon na nakukuha dahil sa kadahupan ng buhay. Apektado ang mga bata ng nangyayaring korapsiyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ang perang para iserbisyo sa kapakanan ng mga bata ay kinukurakot. Sana hindi ningas-kugon ang programa sa malnutrition.

Show comments