^

Punto Mo

Paano maiiwasang ma-hacked ang FB?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ILANG eksperto sa social media ang nagmumungkahi ng mga paraan kung paano makakaiwas na ma-hacked ang Facebook account. Sa mismong website ng Facebook, meron naman itong mga tinatawag na security measures para hindi ma-hacked ang account. Perwisyo rin kasi kung ma-hacked ang account lalo kung mawawala ang mga importanteng contact o ginagamit ito sa trabaho, negosyo, pag-aaral, pakikipagkaibigan, at iba pa.

Isa sa mga iminumungkahi ang pagbukas sa two-factor authentication. Dito, pana-panahon kang magpapasok ng isang special code bilang dagdag sa iyong password tuwing magla-log in ka sa isang bagong gadget. Kahit makuha ng hacker ang log-in (username) at password, hindi mabubuksan ang account nang walang code. Pumunta lang sa setting and privacy, setting, security and login, two-factor authentication, i-klik ang “edit” at ipasok ang password. Makakakita ng tatlong mapagpipiliang paraan. Isa rito ang sa text message. Magti-text ang Facebook sa cell phone number na nakarekord sa account sa FB website o app kapag magla-log in pagkatapos ipasok ang password.

Pangalawa ang authentication app. Kailangang magbukas ng isang third-party app tulad ng Twilio’s Authy o Google Authenticator para makakuha ng numeric code sa halip na message. Mapapangalagaan dito laban sa seryoso pero hindi karaniwang klase ng hack na tinatawag na SIM swap.

Pangatlo, ang security key. Sa halip na text message o smartphone app, maa-authenticate ang identidad sa pamamagitan ng isang physical security key. Pero sinasabi ng ilang eksperto na hindi ito kailangan nang malawak na mayorya ng karaniwang mga FB user.

Kailangang tiyakin na ang email address na nakatala sa FB account ay bago at madalas na ginagamit sa kasalukuyan, aktibo at gumagana. Kapag luma at hindi na gumagana ang lumang email na nasa Facebook, halos imposible nang mai-reset ang iyong password kapag emergency. Ang iyong email account ay dapat ding merong malakas at kakaibang password at merong two-factor authentication. Kahit meron ng two-factor authentication, kailangan pa rin na merong kakaiba at malakas na password. Password na mahirap hulaan at hindi ginagamit sa ibang account o services.

Kapag nakakatanggap ng message mula sa sinuman—kaibigan, miyembro ng pamilya o opisyal na mukhang estranghero na humihingi ng tulong, security code o pera, o ng iyong personal na impormasyon, huwag sumagot. Kontakin sila sa ibang paraan para mapatunayan kung totoo.

Huwag ipaalam kahit kanino ang password o code. Kahit kailan ay hindi iti-text, padadalhan ng email o tatawagan ng Facebook para hingin ang log-in information o two-factor authentication. Iwasang iklik ang matatanggap na kahina-hinalang mga link. Gamitin ang browser para magbukas ng Facebook homepage at mag-log in doon.

Magpalit agad ng password kapag napansing may ibang nagtatangkang magbukas ng FB account. Para malaman kung may nakakapag-log in sa FB account,  pumunta sa settings and privacy, settings, security and login, setting up extra security. Iklik ang option na “Get alerts about unrecognized logins.” Nabatid na takda nang tanggalin ng Facebook ang feature na ito at sinabing awtomatiko na nitong sasabihan ang mga tao sa pamamagitan ng app sa hinaharap.

•••••••

Email: [email protected]

vuukle comment

FACEBOOK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with