EDITORYAL - Babala sa mga pulis na ‘uhaw sa dugo’

NAGBAYAD din ang dating pulis na si Jeffrey Perez sa ginawang karumal-dumal na krimen. Hinatulan siya ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 287 nang habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pag-torture at pagpatay kina Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman noong 2017. Bukod sa pagkabilanggo, inutusan din ng korte si Perez na bayaran ang pamilya nina Arnaiz at Kulot ng P390,000 bilang danyos.

Ito ang ikalawang paghatol kay Perez sa nasabi ring kaso. Noong Nobyembre ng nakaraang taon, hinatulan din siya ng Caloocan City Regional Trial Court ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay sa dalawang kabataan. Ang kasamang pulis ni Perez na si PO1 Ricky Arquilita ay namatay sa sakit habang nakakulong. Hindi na niya narinig ang hatol ng korte.

Maagang naisilbi ang katarungan kina Arnaiz at Kulot at nadoble pa ang paghahatol kaya wala nang lusot ang killer na si Perez. Sa bilangguan na siya mabubulok. Nabawasan ng isang masamang pulis ang PNP.

Nakakatakot ang katulad ni Perez. Mapanganib ang katulad niya para sa mamamayan.

Nang maglunsad ng giyera laban sa ilegal na droga ang Duterte administration noong 2017, kabilang si Perez sa mga “ulol” na aso na pinakawalan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng “Oplan Tokhang”. Binigyan siya ng lisensiya para mandakma ng mga “tulak” at addict sa droga. Huli rito, huli roon na walang patumangga. Kahit sino ang makita sa kalye sa kalaliman ng gabi, aarestuhin at ang tumanggi ay babarilin. Sasabihin ay lumaban.

Ganito ang ginawa nina Perez at Arquilita kay Arnaiz at De Guzman. Hinuli at inakusahang drug pushers. Tinorture nila ang dalawang biktima at saka pinatay. Ang matindi, itinapon pa nila ang bangkay ni De Guzman sa Nueva Ecija. Para maging makatotohanan, tinaniman ng droga si Arnaiz at nilagyan ng baril sa tabi ng bangkay nito.

Pero hindi nagtagal ang masamang ginagawa nina Perez at Arquilita agad silang naparusahan. Sana ganito rin ang mangyari sa iba pang naghahanap ng hustisya. Marami pang napagkamalan at pinatay sa drug operations ng PNP mula 2016-2019 pero hindi na makakamit ng hustisya.

Marami pang pulis na katulad nina Perez at Arquilita na “uhaw sa dugo” ng kanilang kapwa. Sana, mabulgar din ang kanilang ginagawa at maparusahan din sila. Magsilbing babala ito sa mga masasamang pulis.

Show comments