EDITORYAL – Modernisasyon sa PAF, isulong

DALAWANG piloto ng Philippine Air Force (PAF) ang nagbuwis ng buhay makaraang bumagsak ang kanilang eroplano (SF260) sa isang palayan sa Bataan noong nakaraang Miyerkules. Ang mga piloto ay nakilalang sina Captains Ian Gerru Pasinos at Jhon Paulo Aviso. Ayon kay Col. Ma. Consuelo Castillo, taga­pagsalita ng PAF, pabalik na sa kanilang base ang eroplano nang maganap ang aksidente. Ang PAF ay may apat na SF260 plane na binili noong 1990. Dahil sa aksidente, ang tatlong natitirang eroplano ay hindi na papayagang makalipad.

Ayon pa kay Col. Castillo, sina Pasinos at Aviso ay mga mahuhusay na piloto. Sanay na sanay ang mga ito sa pagpapalipad ng eroplano at marami nang natanggap na karangalan at medalya ng kagitingan. Kabilang dito ang Gold Cross Medals dahil sa pakikipaglaban sa iba’t ibang combat operations. Kabilang ang dalawa sa mga nakipaglaban sa Maute group sa Marawi noong 2017.

Nakipaglaban din ang dalawa sa mga teroristang Abu Sayyaf sa Bohol noong 2017 at sa isang operasyon laban sa mga terorista sa Lanao del Sur ng taon ding iyon.

Malawak ang karanasan nina Pasinos at Aviso sa pagpapalipad ng SF260 kaya marami ang nagtataka kung bakit ito bumagsak.

Ayon sa magsasakang nakasaksi sa pangyayari, nakita niyang pagiwang-giwang ang eroplano at mababa ang lipad nito hanggang sa biglang bumulusok sa palayan.  Hindi na nadala sa ospital ang dalawang piloto sapagkat namatay ang mga ito sa pinangyarihan ng aksidente.

Nakalulungkot naman ang inihayag ni Col. Castillo na may mekanismong kulang sa SF260 na maaaring dahilan kaya hindi nakaligtas ang dalawang piloto. Ayon kay Castillo, walang ejection mechanism ang SF260. Karaniwan nang sa mga biglaang pangangailangan ay nagpa-parachute ang piloto ng SF260 subalit hindi ito nagawa ng dalawang piloto dahil sa kawalan ng nabanggit na mekanismo.

Nararapat lamang ang desisyon na huwag nang pali­parin pa ang mga natitirang SF260 planes. Kung walang ejection mechanism, mistulang nakikipagsugal ang mga pilotong gagamit nito. Hindi na dapat dagdagan ang ma­sa­sayang na buhay dahil sa kakulangan ng mekanismo.

Maging prayoridad ng PAF ang pagmodernisa sa kanilang hanay. Sa lahat ng sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang PAF ang tila napag-iiwanan. Sikapin na magkaroon ng mga bagong eroplano at nang hindi na maulit ang nangyari sa SF260.

Show comments