NAPANSIN din pala ni Pam na wala si Bart ilang araw na.
“Ilang araw nang wala si Bart ano Jong?’’ tanong nito habang naghihintay sila sa pagdating ng kanilang instructor.
“Oo, Pam.’’
“Mabuti naman at matatahimik tayo lalo na ikaw. Lagi ka niyang binu-bully. Mas mabuti nga kung hindi na siya papasok,’’ halos pabulong na sabi nito kay Jong.
“Baka maysakit?’’
“Baka nga — na-karma siguro.’’
Napangiti na lang si Jong.
“Siya nga pala Jong, ‘pag nakatapos tayo ng kurso natin anong balak mo?’’
“Mag-aaplay muna ako sa ospital at kapag may experience na, mag-aaplay ako sa ibang bansa—baka sa Canada o kaya’y sa Australia bilang caregiver. Malaki pala ang demand ng caregiver sa Canada.’’
“Ay oo. Ang auntie ko nasa Canada at nagtatrabahong caregiver. Naroon na sila lahat. Sabi nga sa akin, pagnakatapos ako, dun mag-aplay at sigurado na. Madadala ko rin sina mama at papa roon.’’
“Baka magkita tayo roon, ha-ha-ha! Wala pang itlog e binibilang na. Pangarap lang naman.’’
“Aba huwag kang magtatawa at maaring matupad ang pangarap mo. Basta ‘pag naroon ka na, text mo ako ha?’’
“Oo. Asahan mo Pam.’’
At sabay silang nagtawanan.
Hanggang dumating ang instructor nila.
(Itutuloy)