EDITORYAL - May ­‘pinatahimik’ na namang ­mamamahayag

ISA na namang mamamahayag ang pinatay. Binaril ang beteranong broadcaster na si Percy Lapid habang nasa kanyang sasakyan sa harap ng BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas noong Lunes. Dalawang lala­king magkaangkas sa motorsiklo ang salarin. Patungo si Lapid sa kanyang online broadcast nang maganap ang pagpatay. Mabilis na tumakas ang mga suspect. Si Lapid ay nagho-host ng “Lapid Fire,” isang radio news commentary program sa DWBL 1242. Si Lapid ang ikalawang mamamahayag na pinaslang sa gobyerno ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Noong nakaraang buwan lang, pinatay sa saksak ang radio broadcaster na si Rey Blanco sa Mabinay, Negros Oriental. Naaresto naman ang suspek. Inaalam pa ang motibo sa pagpatay kay Blanco.

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpatay kay Lapid na anila’y nangyari sa Metro Manila. Wala anilang nagawa ang mga awtoridad para protektahan ang mamamahayag. Kung ang mamamahayag ay walang awang pinapatay, paano pa ang karaniwang mamamayan.

Sa panahon ng panununungkulan ni dating President Rodrigo Duterte, 24 na mamamahayag ang pinatay. Ang huli ay si Federico Gempesaw, radio commentator ng Carmen, Cagayan de Oro City. Pinatay siya ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang bahay noong Hunyo 27, 2022.

Karamihan sa mga nangyaring pagpatay sa mga mamamahayag ay hindi nalutas. Maski ang karumal-dumal na pagpatay sa 30 mamamahayag sa Ampatuan, Maguindanao noong Nob. 23, 2009 ay hindi pa lubos na nakakamit ng hustisya.

Sa report ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong 2021, pampito ang Pilipinas sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. ­Nangunguna ang Somalia at sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.

Noong nakaraang Hulyo sinabi ng Malacañang na maglalatag na ng mga bagong programa ang pamahalaan para sa mga miyembro ng media. Layunin ng bagong polisiya ang kaligtasan ng mga mamamahayag.

Sinabi rin ni President Marcos kamakalawa na puprotektahan ng kanyang administrasyon ang mga mamamahayag. Harinawang mangyari nga ang mga ito.

Show comments