Kinidnap ng diwata
TINIYAK ng doktor nina Leopoldo at Emilia na pareho silang malusog at may kakayahang magkaroon ng anak kaya ganoon na lang ang pagtataka nila kung bakit hindi mabuntis-buntis si Emilia. Marahil, sa kadadasal at kakanobena sa iba’t ibang santo, nabuntis din sa wakas si Emilia, pagkaraan ng limang taong paghihintay.
Noong Abril 2, 1908 ay isinilang ang panganay nilang anak na pinangalanan nilang Jaime. Palibhasa ay mestiso at mestisa ang mag-asawa, sanggol pa lang si Jaime ay kitang-kita na ang pagiging mestiso nito. Sa unang anim na buwan ng sanggol, kinakitaan ito ng kasiglahan. Ngunit habang lumalapit na ang ika-isang taon ni Jaime, napansin ng mga magulang nito na parang nawalan ito ng sigla. Kapag pinapraktis ni Leopoldo na palakarin ito, dati ay pipilitin ng sanggol na siya ay makalakad sa pamamagitan ng paghawak sa anumang makakapitan kagaya ng silyang nakahanay sa salas.
Ngunit ng mga nakaraang araw, kapag pinalalakad si Jaime, ito’y titingin sa ama’t ina, tatayo ng bahagya pero uupo ulit at hihiga na lamang. Para bang lagi itong tinatamad at nanghihina.
Noong unang panahon, ang mga sanggol ay ibinibilad ng ilang minuto sa sinag ng araw sa umaga upang maging masigla. Habang ibinibilad ni Leopoldo si Jaime, may isang matandang kamag-anak si Leopoldo na napadaan at napatitig kay Jaime.
“Poldo, namumutla yata ang anak mo at namamayat. Aba, di hamak na napakagandang bata iyan noong binyagan siya! Tingin ko’y pumangit na ang anak mo, habang tumatagal.”
“Tiyo, sobra ka namang magsalita…”
Seryosong nagpatuloy sa kanyang pagsasalita ang matanda. “Hindi kaya pinalitan ng mga diwata ang anak mo? Iyang karga-karga mong bata ay hindi tao kundi diwatang ipinampalit sa anak mo? Hindi malayong mangyari ang aking hinala na kinidnap ng mga diwata ang iyong anak.
(Itutuloy)
- Latest