^

Punto Mo

Ginger (109)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

‘‘BAKIT po Tandang Nado?’’ tanong ni Anton nang makitang napailing-iling ang albularyo makaraang tumingin sa salamin.

“Matindi ang kumulam sa kasintahan mo, Anton. Talagang pinahirapan ang minamahal mo.”

‘‘Parang awa mo na Tandang Nado, tulungan mo si Ginger. Hirap na hirap na siya.’’

“Tutulungan kita, Anton. Nakikita kong wagas ang pagmamahal mo kay Ginger. Hindi mo itataya ang buhay sa pagpunta rito sa Daang Diyablo kung hindi mo mahal ang iyong kasintahan.’’

“Marami pong salamat, Tandang Nado.’’

‘‘Sige, maghintay lang kayo rito at may gagawin lang akong pagdarasal para mapalayas ang sakit sa katawan ni Ginger. Mga kalahating oras lang akong magdarasal.’’

‘‘Maghihintay kami Tandang Nado.’’

Pumasok na si Tandang Nado sa maliit na kuwarto. Pero mamaya-maya ay bumalik kina Anton at may binigay na dalawang itim na patpat na kulang isang metro ang haba.

“Hawakan n’yo lang nang mahigpit ang patpat. Huwag bibitiwan hangga’t hindi ako lumalabas sa aking silid-dalanginan.’’

“Opo Tandang Nado,’’ sabi ni Anton at ibinigay kay Mulong ang itim na patpat.

Hindi pa nagtatagal sa loob si Tandang Nado, biglang may dumungaw na maligno sa pinto ng kubo.

Nakakatakot ang itsura—parang taong paniki na nakalabas ang mga pangil. Mapula ang mga mata.

Biglang hinaltak si Anton palabas ng kubo. Nagpipiglas si Anton.

Pero ayaw siyang bitiwan ng taong paniki.

“Tandang Nado, tulungan mo ako!’’ malakas na sigaw ni Anton. Si Mulong ay hindi nakakilos sa pagkabigla.

Hinawakan si Anton sa leeg ng taong paniki at naramdaman niya ang unti-unting pagbaon ng kuko nito. Napakatulis ng kuko ng taong paniki. Hindi naman binibitawan ni Anton ang itim na patpat na binigay ni Tandang Nado kanina.

“Tandang Nado, tulungan mo ako!’’ sigaw niya.

Nang naramdaman ni Anton na bumabaon na ang kuko ng taong paniki sa leeg niya, biglang dumungaw sa bintana ng kubo si Tandang Nado.

‘‘Hampasin mo ng itim na patpat ang walanghiyang ‘yan!’’ sigaw ni Tandang Nado.

(Itutuloy)

GINGER

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with