EDITORYAL - Karahasan dahil sa baril

MARAMI nang nangyaring karahasan na ang ginamit ay baril. Marami nang nasayang na buhay dahil sa paggamit. Sa United States na lamang, dami nang bumulagta nang paulanan ng bala. Sunud-sunod ang mga pagpatay doon na ang ginamit ay baril. Maluwag ang pagmamay-ari ng baril sa U.S. kaya naman karaniwan na lamang na may basta-bastang namaril. Maski kabataang estudyante, namamaril sa pinag-aaralang eskuwelahan. Ngayong taon na ito, maraming pamamaril ang naganap at karamihan ay sa eskuwelahan. Noong nakaraang buwan, isang abogadong Pinoy na bumibisita lamang sa U.S. ang binaril at napatay.

Sino ang mag-aakala na ang pamamaril sa U.S. ay mangyayari rin sa Pilipinas at nangyari pa sa loob ng isang kilalang unibersidad. Unang pagkakataon na may napatay sa unibersidad gamit ang baril—tatlo ang napatay at dalawa ang nasugatan.

Ang mga napatay ay si dating Lamitan City, Basilan mayor Rose Furigay, kanyang aide na si Victor George Capistrano at ang Ateneo security guard na si Jeneven Bandiola. Nasugatan naman ang anak na babae ni Furigay at isa pang babae. Naganap ang pamamaril noong Linggo, araw ng graduation sa Ateneo de Manila Law school sa Quezon City.

Ang namaril ay si Chao Tiao Yumol, isang doktor. Nakapasok sa unibersidad si Yumol habang nakasakay sa transport network vehicle. Inabangan nito si Furigay na noon ay dadalo sa graduation ng anak. Ayon sa kampo ng mga Furigay, may matinding galit si Yumol sa dating mayor na nagsimula pa noong 2018. Nagtayo ng clinic si Yumol sa Lamitan subalit walang permit kaya ipinasara ni Furigay sa order na rin ng  Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Mula noon, nag-post na sa social media si Yumol ng mga masasamang paratang laban kay Furigay. Sinampahan siya ni Furigay ng 70 cyberlibel complaints.

Matapos ang pamamaril, tumakas si Yumol. Ki- numander ang isang kotse patungong Aurora Boulevard pero inabandona niya ito at sumakay ng isang bus patungong Marikina pero nahabol siya ng mga pulis at taumbayan at nahuli. Dalawang baril ang nabawi sa kanya. Sa televised interview inakusahan ni Yumol si Furigay at asawang si Roderick, kasaluku-yang mayor ng Basilan na sangkot sa drug trafficking.

Ang pangyayaring ito ay nagpapaalala sa mga awtoridad na dapat maghigpit sa pagbibigay ng permit para makapagmay-ari ng baril. Isyu rin ang seguridad sa pangyayari. Nakapasok si Yumol sa unibersidad na may dalang dalawang baril na hindi na idinaan sa pagsusuri.

Show comments