High school grad: Anong course ang kukunin sa college?
MALAPIT nang matapos ang school year 2021-22. Sa mga estudyanteng ga-graduate sa high school, isang pangunahin at napakahalagang desisyong kailangan nilang harapin na huhubog sa kanilang kinabukasan ang pagpili ng kursong kukunin nila sa kolehiyo. May mga estudyanteng nakabatay ang desisyon sa kapaligirang kanilang kinalakihan, mga karanasan sa buhay, sa mungkahi o dikta o impluwensiya ng kanilang mga magulang o ng mga kaibigan, at iba pa. Malaking bagay na ang pag-aaralan nilang kurso ay may kinalaman sa kanilang interes o hilig o sa mga bagay o larangan na pinapangarap nilang makamtan o sa mga tao na kanilang hinahangaan o iniidolo dahil magiging inspirasyon nila ito sa kanilang pag-aaral at pagtatapos sa kolehiyo.
Pero, kung minsan, nakabatay ang desisyon ng isang kabataan sa sitwasyon niya sa buhay. Magkakaiba kasi ang kalagayan ng mga estudyanteng nagtatapos sa high school. Kung mahirap o kapos sa perang pambayad ng matrikula at ibang gastusin sa kolehiyo, kukunin nilang kurso yung kaya lang ng bulsa ng kanilang mga magulang o ng sinumang nagpapaaral sa kanila. Meron sa kanila na nagiging working student sa kanilang pagkokolehiyo o kumukuha na lang ng vocational course o kaya ay tuluyan nang humihinto sa pag-aaral at maghanap na lang ng trabahong tatanggap sa kanila kahit high school graduate lang sila. Mapalad naman ang mga estudyanteng nakakakuha ng scholarship para makapagpatuloy sila ng pag-aaral sa kolehiyo.
Isang maaaring pagbatayan sa pagdedesisyon ng isang high school graduate sa kukuning kurso sa kolehiyo ay kung meron ba silang mapapasukan agad na trabaho kapag naka-graduate na siya sa college? O kung uunlad ba siya o yayaman ba siya rito o magkakaroon ba siya rito ng tinatawag na fulfillment o tagumpay sa buhay? Magiging masaya at kuntento kaya siya sa karerang papasukin niya kapag natapos niya ang napili niyang kurso? Matutupad ba rito ang kanyang mga pangarap? O baka naman, pagka-graduate niya sa kolehiyo, ang magiging trabaho o karera niya ay walang kaugnayan sa kursong pinag-aralan niya?
Pero tama man o mali ang magiging desisyon ng isang high school graduate sa kukunin niyang kurso sa kolehiyo, magsisilbi naman itong karanasan, gabay at aral na magagamit niya sa pagtahak sa buhay sa labas ng eskuwelahan. May mga estudyante na, pagkaraan ng isa o dalawang taon sa kolehiyo, lumilipat sila ng ibang kurso na kanilang nagustuhan o pinagkainteresan. Nasa college na sila nang makagawa na sila ng pinal na desisyon.
Marami at nagkalat ang mga kursong mapagpipilian. Halimbawa ang mga may kinalaman sa siyensiya at teknolohiya (medicine, nursing, dentistry, medical technology, physics, computer science o information technology at iba pa bagaman napakalawak ng mga larangang ito kaya napakarami ng mapagpipilian), engineering at architecture (napakalawak din ng mga ito kaya hindi mawawalan ng mapagpipilian), accounting, law, fine arts, education, agriculture, tourism, criminology, business, public administration, humanities, at iba pa. Mga magagandang kurso.
Wala namang pangit na kurso. Nakasalalay sa isang estudyante ang pagtatagumpay niya sa mapipili niyang kurso. Gustong-gusto man niya ang isang kurso, mawawalan ng saysay ang lahat kung hindi siya mag-aaral nang mabuti.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest















