Panalo rin si VP Leni

MAY mga pagkatalo na higit na maituturing na panalo kaysa talo. Sinabi ito ng French philosopher na si Michel de Montaigne, mahigit nang 450 taon ang nakalilipas. Gayunman, maaari natin itong sabihin para kay VP Leni na natalo sa pagkapangulo sa pinakamalaking kalamangan sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas.

Talung-talo ba si VP Leni? Para kay Montaigne ay hindi. Maraming dahilan upang ituring na panalo rin si VP Leni. Hindi nga niya nakuha ang posisyon, pero nakuha naman niya ang puso ng milyung-milyong Pilipino.

Binuhay ni VP Leni ang volunteerism na naunang tinawag ng ating mga ninuno na bayanihan.  Libu-libong mga boluntaryo sa mga people’s rallies ay hindi umasa na tatanggap ng anuman; sa halip, sila mismo ang gumastos at nagpakahirap. Sangkatutak ang regalong tinanggap ni VP Leni na dahil sa dami’y planong magpatayo tuloy ng isang museum para sa mga ito. Mga botante ang nagregalo, sa halip na ang kandidato.

Pinasimulan ni VP Leni ang kakaibang uri ng kampanya. Hindi nga niya nakuha ang suporta ng mga higanteng pulitiko, ngunit nakuha naman niya ang suporta ng iba’t ibang grupo mula sa mga estudyante, negosyo, simbahan, at karaniwang mamamayan na tulad ng mga drayber, manggagawa at magsasaka. Sa susunod na mga eleksyon, nais kong masaksihan ang ganitong uri ng kampanya na ang mangingibabaw ay ang lakas ng bolunterismo, sa halip na makinarya ng mga pulitiko.

Ayon kay VP Leni, itatatag niya sa Pilipinas ang pinakamalaking ugnayan ng mga volunteers upang iangat ang buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan. Siguradong marami siyang makukuhang suporta sa loob man o labas ng Pilipinas. Madali siyang makakakuha ng mga boluntaryo mula sa  14 milyong bumoto sa kanya. Hindi imposible na sa kanya padaanin ng mga foreign donors ang kanilang tulong kapag tinamaan ng kalamidad ang Pilipinas. Higit na mataas ang kanyang kredibilidad kaysa mga ahensiya ng gobyerno na may batik ng katiwalian.

Mapapatunayan ni VP Leni na hindi kailangan ang puwesto sa gobyerno upang makatulong sa nangangailangan. Ang karaniwang sinasabi ng mga pumapasok sa pulitika ay ito—nais nilang makatulong sa mga tao. Higit na mahalaga ang puso kaysa posisyon upang makatulong sa kapwa.

Si VP Leni ang kinikilalang lider ng oposisyon. May oportunidad siya ngayon na maging mabisang oposisyon hindi sa pamamagitan ng pagiging kritiko ng gobyerno, kundi sa pamamagitan ng pagiging simbolo ng katarungan, pagkakawanggawa at kababaang-loob.  Ito ang depinisyon ng Bibliya ng kabutihan. Wika sa Mikas 6:8, “Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti.  Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.”

Kung totohanang gagawin ni VP Leni na iangat ang buhay ng mahihirap, ipagtanggol ang mga pinagkaitan ng batas, mamuhay nang walang bahid katiwalian, kasinungalingan at pagsasamantala, hindi na niya kailangang magsalita bilang kritiko ng gobyerno. Hindi na niya kailangang manirahan sa Malakanyang upang kilalaning lider ng Republika ng Pilipinas. Mapapasakanya ang isang uri ng panalong pulitikal na hindi maaagaw ng eleksyon.

Show comments