^

Punto Mo

Paboritong pagkain

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

MAY private joke kaming mag-anak: Kapag ang pagkain dati ay kinahuhumalingan namin dahil sa sobrang sarap pero ngayon ay hindi na kami gaanong nasasarapan, ang teoryang naiisip namin ay “noon kasi ay sabik pa tayo sa masasarap na pagkain as in “patay-gutom” (PG). Tapos ay susundan namin ng malakas na halakhakan.

Noon ay may paborito kaming chocolate crinkle cookies na nabibili sa school canteen ng aking mga anak noong elementary pa sila. Masarap ang crinkle cookies na iyon dahil masarap ang ginamit na chocolate. Naging paborito na rin iyon ng aking mga anak. Hanggang isang araw ay hindi na iyon itinitinda sa canteen dahil tumigil na sa pagrarasyon ang supplier ng masarap na chocolate crinkle cookies.

Mahilig pa rin kami ngayon sa chocolate crinkle cookies pero kahit kailan ay hindi kami nakakabili ng kasingsarap ng chocolate crinkles na ibinebenta noon sa school canteen. At kagaya ng dating teorya namin,  mas masarap siguro ang lasa ng chocolate crinkles noon dahil PG pa tayo noon.

May paborito kaming Japanese restaurant simula pa noong 2015. At sa tinagal-tagal ng panahon, iisang pagkain lang ang inoorder naming mag-asawa dahil napakasarap nito. Palibhasa ay pandemya ng dalawang taon, noong nakaraang Mother’s Day lang ulit kami kumain sa nabanggit na restaurant. Pagdating namin sa bahay, nabanggit ng aking mister na bakit hindi na siya masyadong nasisiyahan sa inorder naming pagkain kanina, na nagkataon ganoon din ang aking naramdaman. At inulit-ulit namin ang aming teorya na joke na maituturing pero may katotohanan din. “Noon kasi, PG pa tayo, eh ngayon, nag-level up na ang kakayahan nating bumili ng pagkaing gusto natin.”

Mapaglaro talaga ang buhay. Noong gipit ka sa pera, lahat ng natitikman mong pagkain ay masarap kaya kahit gusto mong bumili ng marami para pagsawaan mo ay hindi mo magawa. Nang mayroon ka nang sapat na pera, ang dating pagkaing kinahuhumalingan mo ay pangkaraniwan na lang ang lasa sa iyo. Magkaganoon pa man, sabi nga ng aking ina, kapag nagkaganoon na ang persepsiyon mo sa mga paborito mong pagkain, palatandaan iyon na umasenso na ang buhay mo.

FOOD

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with