Sa pulitika, sori na lang ang walang pera!

KINAKAWAWA na ngayon ang mga kandidatong walang sapat na pera para mangam­panya. Sa tuwing may pagpupulong angpolitical leaders sa barangay, tinatanong muna ng mga iniimbitahan kung sinong kandidato ang darating at kung ano ang mapapala nila sa pagdalo. Kung walang balutan, sori ka na lang. He-he-he.

Hindi na maaasahan ngayon sa mga botante, lalo na sa mga depressed areas ang matapat na suporta sa kandidato kung walang sapat na gagastusin sa kampanya. Sino nga ba naman daw ang magsasakripisyo ng walang pakinabang sa mga ihahalal na magnanakaw din naman sa bayan? Ha-ha-ha!

Nagkakanya-kanya na rin ng kampanya ang mga kandidato. Ipinapagpag na kahit ang kasama nila sa partido kung walang maiaambag na ayuda sa mga dadalo sa pagpupulong. Bawal na ang angkas ngayon di ba?

Lamang ang mga kandidatong artista sa mga rallies o anumang uri ng pagpupulong dahil may face values na ang mga kumag, marami pang umaambag ng campaign funds dahil madali raw silang ipanalo. Tumutubo pa kahit matalo. Tama ba Isko?

Tumitiba naman ang mga grupo ng mga banda, stage directors at performers. Naging in-demand ngayon ang concert rallies upang makapagparami ng dadalo at makunan ng video at litrato para sa publicity. Isa sa pinakaepektibong mind conditioning propaganda ito sa social media. Matumal ba ang benta ng sibuyas ngayon? Ha-ha-ha!

Kahit itanggi ng magkabilang political camp na ang karamihan sa mga dumadalo ay bayaran, wala na rin namang maniniwala. Marami naman ang umaamin at  lumalabas na ebidensiya nang abutan ng pera tuwing matatapos o bago magsimula ang mga patawag na rallies. Kaway-kaway lang para may maisaing at pang-ulam.

Pagkatapos ng eleksyon, asahan na nating  babahain ng reklamo ang Comelec dahil sa bintangan ng dayaan at kikita naman ang mga linta sa loob ng opisina nila for further entertainment siyempre!

Show comments