_pang-masa
^

Punto Mo

Masamang epekto ng online learning

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG ako’y estudyante pa, masayang-masaya kaming magkakaklase kapag walang pasok dahil pista opisyal o may paparating na bagyo. Ang classroom noon ay kinatatakutan na para bang isang haunted house. Wala sa isip namin na ang pagpasok sa loob ng classroom ay isa sa pinakamahalaga at pinakamasayang karanasan ng isang bata.

Ngayon natin napatunayan ang kahalagahan ng classroom para sa kaunlarang mental, emosyonal, sosyal, at pisikal ng bata. Dahil sa COVID-19 pandemic, ipinagbawal ang face-to-face learning, ang puwede lang ay online learning sa loob mismo ng bahay. Isa’t kalahating taon nang sarado ang ating mga eskuwelahan.

Isa tayo sa limang bansa sa buong mundo na ang pag-aaral ay online pa rin. Ang apat na iba pa ay ang Bangladesh, Kuwait, Saudi Arabia at Venezuela. Lubhang napapanahon ang isasagawa ng DepEd na pilot classroom classes sa mga piling lugar na may mababang kaso ng COVID-19.

Ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) mismo ay nananawagan para sa pagbubukas ng mga classrooms sa lalong madaling panahon. Tayo’y mahirap na bansa kung kaya mala-king dalahin ang online learning dahil sa problema sa internet connectivity, kakulangan ng mga gadgets at learning resources.

Pero ang mas malalim na problema ay ang negatibong epekto ng online learning sa mga bata. Isa na rito ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon. Mas madali ang pagkatuto sa loob ng classroom kung saan may teacher na nagtuturo. Bumababa rin ang motibasyon ng mga bata na mag-aral sapagkat iba ang atmosphere sa bahay at wala silang mga kaklase na nagdaragdag sa excitement nila sa pagpasok.

Batay sa DepEd figures, aabot sa 2.3 milyong mga bata ang huminto na sa pag-aaral. Ano ang mangyayari sa mga batang ito? Ang iba’y baka tuluyan nang hindi mag-aaral. Ang iba’y baka maging biktima ng child labor o child marriage.

Ayon din sa mga eksperto, ang online learning ay nagreresulta sa mental stress sa mga bata na nawalan ng oportunidad na makipagkaibigan o makipaglaro sa kapwa bata. Dahil laging computer ang kaharap, nadedebelop sa bata ang pagkamakasarili, nahihirapang makipag-ugnayan sa kapwa at nangingibabaw sa isip na maaari naman siyang mabuhay mag-isa at hindi niya kailangan ang iba.  Lumilikha tayo ngayon ng henerasyon ng mga bata na walang pakialam sa mundo.

May isa pang nakalulungkot na bunga ng online learning, ang online kopyahan, kaya humihingi na ng tulong ang DepEd sa law enforcement upang matukoy at mahinto ang ganitong pandaraya.  Marahil, kailangan na ring magkaroon ng reorientation sa mga bata at magulang sa tunay na layunin ng edukasyon, at ito’y ang matuto upang maging mabuti at kapaki-pakinabang na mamamayan ng bansa. Hindi ang pagkakaroon ng matataas na grado at karangalan ang tunay na layunin ng edukasyon.

Sobra tayong nakasentro sa pagkakaroon ng matataas na grado at mga karangalan, kung kaya’t gagawin ang lahat upang manguna sa klase, sukdang maglagay o kaya’y mandaya. Ang ating educational system ay masyadong competitive at adversarial. Kailangang laging manguna at talunin ang kaklase.

Hindi komo mataas ang grado ay maraming alam. Kung minsan nga, kung sino ang mababa ang grado ang siyang mahusay sa pamumuhay. Kung ako ang tatanungin, ang dapat na grado sa eskwelahan ay dalawa lang: pasa o bagsak.

 

EDUCATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with