_pang-masa
^

Punto Mo

Simula na ng Pasko!

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Philstar.com

BER month na! Sa ating mga Pinoy, ngayong September ang simula ng mahaba nating paghahanda sa Pasko. Maririnig na natin ang kanta nina Jose Mari at Liza Chan na “Christmas In Our Hearts.”  Malapit nang dumating ang kinasasabikan nating Pasko, ngunit ang kinatatakutan nating COVID-19, malamang kaysa hindi, ay sasalubong na naman sa pinakamahabang selebrasyon sa Pilipinas. May mga pangamba na sa kalagitnaan ng September o October ay aabot sa mahigit 30,000 ang tatamaan ng sakit araw-araw.

Ang mga iniisip natin ngayon tungkol sa Pasko ay kaibang-kaiba. Noon, ang inaasam natin ay makatanggap ng magagandang regalo. Ngayon ay ang pagkikita-kita. Mas mahalaga ngayon ang presensya kaysa regalo. Noon, ang pinaglalaanan natin ng gastos ay ang pamamasyal kung saan-saan. Ngayon ay ang pagsasaayos ng bahay. Mas nakapagbibigay sa atin ngayon ng saya ang sariling bahay gaano man ito kapayak kaysa magagarbong pasyalan.

Ngayon nararanasan ng sinuman ang katotohanan ng sinabi ng makatang si John Howard Payne na, “There is no place like home.” Noon, ang itinatanong natin ay kung gaano kaya kalaki ang matatanggap nating bonus. Ngayon ay kung buhay pa kaya tayo sa Pasko.  Mas mahalaga ngayon ang buhay kaysa pera. Ang mismong buhay ang dapat nating ipinagpapasalamat kaysa mga palamuti ng buhay na tulad ng kayamanan.

Hirap at lungkot ang dulot ng COVID-19 pandemic. Ngunit sa isang banda, ibinabalik tayo ng pandemya sa tunay na diwa ng Pasko. Ang Pasko ay isang karanasang espiritwal kung saan ang dapat na sentro ng pagdiriwang ay si Hesus na isinilang upang iligtas sa kasalanan ang sangkatauhan at dalhin ito sa isang buhay na kasiya-siya at kapaki-pakinabang. Sa halip na karanasang espiritwal, ang Pasko ay higit na iniuugnay sa materyalismo. Tuwing Pasko, mas sikat si Santa Claus na nagbibigay ng regalo kaysa kay Hesus na nagkakaloob ng buhay na walang hanggan.

Bilang bansa, marami rin tayong pinapangarap sa pagpasok ng Ber month hanggang sumapit ang Pasko. Pinapangarap natin na umabot sa 70 milyong Pinoy o higit pa ang mabakunahan upang magkaroon tayo ng herd immunity. Ang pangarap na ito’y nahaharap sa hamon ng mabagal na pagdating ng mga bakuna at mabagal na pagbabakuna sa ilang panig ng bansa. Pinapangarap natin na matuldukan na ang malawak na katiwalian. Ngunit sa halip na tuldok o period ay naging exclamation point, sapagkat palaki nang palaki ang ninanakaw at parami nang parami ang nagnanakaw.

Nangangarap tayo ng pagkakaisa, ngunit lalo tayong nagkakawatak-watak dahil sa pulitika. Ang malungkot, ang matataas na lider ng ating bansa ang nag-uudyok sa pagkakawatak-watak kaysa sumuwata rito. Nangangarap tayo para sa isang Pilipinas na maunlad at malaya. Ngunit pahirap tayo nang pahirap at lumalawak ang paninikil sa ating mga karapatan.

Mayroon pa ba tayong pag-asa? Mayroon, pero hindi dahil sa ating kakayahan, kundi dahil sa magagawa ng Diyos bilang tugon sa ating pananampalataya. Ang tao’y may kakayahang gawing masama kahit ang likas na mabuti. Ngunit ang Diyos, may kakayahang gawing mabuti kahit ang likas na masama.

Ayon sa Hebreo 11:1, ang pananampalataya ay ang pagiging tiyak sa mga bagay na inaasahan. Napakarami nating inaasahan sa pagpasok ng Ber. Huwag matakot, sapagkat tiyak na dadalhin tayo ng ating sinasampalatayanan sa mga bagay na ating inaasahan!

PASKO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with