^

Punto Mo

Masanay muna tayo sa buhay-pandemya

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MUKHANG tatagal pa ang dinaranas nating pandemya batay na rin sa pahayag ng World Health Organization (WHO). Wala pa ring katiyakan kung hanggang kailan ito tatagal lalo pa at sumulpot ang iba’t ibang klase ng COVID variant tulad ng Delta at Lambda. Dumarami pa rin ang nagkakasakit at naoospital dahil sa naturang sakit.

Hindi pa natin nararating ang tinatawag na herd immunity bagaman marami na rin namang nababakunahan at tila nawawala na ang mga agam-agam tungkol sa bakuna. At nakakalungkot din iyong isang lumabas na pag-aaral na humuhupa ang epekto ng ilang bakuna sa loob ng hindi kukulangin ng anim na buwan kaya kailangan din umano ng booster shot.

Tila ibig sabihin nito, magpapatuloy ang mga sistemang ipinatutupad mula nang sumiklab ang pandemya tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield, laging paghuhugas ng kamay, pagpapatupad ng iba’t ibang community quarantine (modified, enhanced, general) depende sa pagdagsa ng mga bagong kaso ng covid, At pananatili sa bahay hangga’t maaari. Bukod pa rito ang matagal na quarantine sa mga nahawahan at hinihinalang nahawahan ng sakit.

Ipinagtataka ko lang kung bakit hindi opisyal na isinasama sa mga health protocol ang pagkain ng gulay at pag-eehersisyo kahit meron nang lumabas na mga pag-aaral na nakakatulong ito bilang panlaban sa COVID-19.

Pero, sa kabila ng mga limitasyon at paghihigpit na ipinapatupad dulot ng pandemya, nagpapatuloy ang araw-araw na pamumuhay ng mga tao. May mga nawalan ng trabaho pero muli namang nakakakita ng pagkakakitaan. Patuloy ang takbo ng maraming negosyo kahit maraming balakid at problema  na kaakibat ng pandemya. Malaki ang naitulong ng internet sa patuloy na takbo ng pamumuhay tulad sa trabaho, negosyo, edukasyon, medisina, libangan, relihiyon, pulitika, serbisyo sa mga opisina ng gobyerno, kultura, komunikasyon  at iba pa.

Nakakalungkot lang na marami ang namatayan ng mahal sa buhay, kaibigan, kamag-anak, kasama sa trabaho, kakilala, kapitbahay na ang patuloy na pagtaas ng bilang ay lubhang nakakadismaya. Nagmumukhang obituary ang social media lalo na ang Facebook dahil halos araw-araw ay may napapabalitang namatay sa COVID.

Malapit nang magdalawang taon ang pandemya na walang katiyakan kung kailan matatapos. Mabuti nga at nasa antas na tayo ngayon ng bakunahan kahit naging madalian ang paglikha ng mga bakuna. Madalian dahil karaniwang inaabot ng lima hanggang 10 taon  bago malikha ang isang epektibong bakuna. Isang dahilan marahil ito kaya dalawang dose ng bakuna o higit pa o booster shot ang kailangan dahil wala rin kasing katiyakan kung gaano ang itatagal ng epekto nito sa tao.

Pero, siguro naman, maraming aral ang naibigay ng pandemyang ito. May mga pagkakamaling maaaring maituwid at maiiwasang maulit. May mga karanasang maaaring maging gabay habang patuloy nating dinaranas ang pandemyang ito.

At habang nagpapatuloy ang pandemya, baka kailangang masanay muna tayo sa “bagong normal” na buhay na idinulot nito sa atin. Magpapatuloy ang pagsunod sa mga health protocol. Hindi naman tumitigil ang mga dalubhasa sa pag-aaral at pananaliksik sa mga bagay na may kaugnayan sa COVID-19. Hindi naman ito unang pagkakataon na nagkaroon ng pandemya sa buong mundo. Matatapos din ito tulad ng ibang pandemyang nagpahirap noong araw sa sangkatauhan.

Email: [email protected]

vuukle comment

WORLD HEALTH ORGANIZATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with