Ang ika-13 babae sa kanyang buhay (3)

SABADO ng umaga, ipinasya ni Reagan na magtungo sa kanyang farm sa Batangas. Bibisitahin niya ang mga itinanim­ na kape at cacao sa limang ektaryang lupa na nabili niya, limang taon na ang nakararaan.

Mayroon siyang bahay doon na kumpleto sa gamit kaya anu­mang oras na magtungo siya roon ay walang problema. Mayroon siyang pinagkakatiwalaang tao na nagbabantay sa bahay at sa kanyang mga tanim – si Bino na nakatira rin sa malapit sa kanyang lupa. Matagal na niyang kilala si Bino at subok na ang katapatan nito.

Nagbaon siya nang maraming pagkain patungong farm. Pang-isang linggo ang kanyang stock. Mas mabuti nang maraming stock para kung naisin niyang mag-stay nang matagal sa farm ay walang problema. Wala naman siyang dapat ipag-alala sa kanyang bahay sa Makati.

Pasado alas siyete ay nasa farm na siya. Walang gaanong trapik kaya saglit lang ay naroon na siya.

Gulat na gulat si Bino nang makita siya. Nakita niya si Bino sa pagpasok sa farm na nag-aalis ng mga tuyong dahon ng saging. Itinigil niya ang Navarra sa di kalayuan at bumaba.

“Ang aga mo manedyer ah. Akala ko sa isang buwan pa ang punta mo,’’ sabi ni Bino na nakatawa at labas ang madidilaw na ngipin. Hawak nito ang itak na sinampalok.

“Nakakainip sa Maynila, Bino. Mainit pa. Gusto kong magpahangin dito.’’

“Masarap na ang hangin dito Manedyer. Tamang-tama maraming prutas na makukuha.’’

“Malinis naman ang bahay ano, Bino?’’

“Oo Manedyer. Alaga kong linisan yun.’’

“Halika., sunabay ka na.’’

“Susunod na lang ako Manedyer. Tatapusin ko lang ang paglilinis sa mga saging.’’

“Sige, hihintayin kita.’’

Nang maisaayos ni Reagan ang mga dala-dalahan ay nagpahinga siya sa may bakuran. Pinagmasdan niya ang mga tanim sa paligid ng bahay. Namumunga na – bayabas, suha, guyabano at sinigwelas.

Nakakarelaks. Baka mag-stay siya nang matagal dito. Ayaw muna niya sa maingay na lungsod. Mas nakakarelaks dito sa farm. (Itutuloy)

Show comments