_pang-masa
^

Punto Mo

Mas abala, mas masaya

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ISANG kakilala ang nagkuwento na, kapag me problema o nalulungkot siya, pumapasok na lang siya sa trabaho o inaabala na lang niya ang kanyang sarili.

Naiibsan nga ang kalungkutan kung magiging abala ka sa anu­mang gawain. Maaaring hindi gaanong nakakasiya ang iyong ginagawa pero, kahit paano, nawawaglit sa isip at kalooban ang anumang problemang dinadala mo sa iyong dibdib.

Napatunayan din sa isang pag-aaral ng mga dalubhasa na mas masaya ang isang tao kung inaabala niya ang kanyang sarili.

Sa isang labas ng Psychological Science, isang journal ng Association of Psychological Science, lumabas ang pag-aaral na ginawa nina Christopher K. Hsee at Adelle X. Yang ng University of Chicago at Liangyan Wang ng Shanghai Jiaotong University.

Lumilitaw sa kanilang pananaliksik na mas masaya ang mga taong maraming ginagawa o pinagkakaabalahan kumpara sa taong madalas nakatunganga, nag-iisip, nakatambay, nakahiga o nakaupo o walang ginagawang anuman. Mas masaya raw ang mga tao kung abala kahit pa walang katuturan ang kanilang ginagawa.

Meron namang iba’t ibang dahilan kung bakit nagpapakaabala ang maraming tao sa kanilang buhay. Mas nakakapamayani marahil ang hangaring kumita at patuloy na makapamuhay dito sa Mundo lalo na kung meron kang sinusuportahang pamilya.  Binanggit nga ni Hsee na merong sobrang enerhiya ang katawan ng tao lalo na kung bata pa siya kaya mas kapakipakinabang na gamitin ito sa anumang makabuluhang bagay sa halip na walang ginagawa.

Pero, sabi nga sa obserbasyon ng mga researcher, kailangang nakakabuti sa lipunan ang kaabalahang ito ng isang tao. Hindi mapanira. Maaari ngang abalahin mo ang iyong sarili pero hindi dapat sa paraang meron kang napeperwisyong ibang tao.

Hindi nga lang binanggit sa pag-aaral ang kaso ng mga tao na walang trabaho kaya laging nasa bahay at walang gaanong mapagkakaabalahan. Pero wala nga ba?

Nariyan halimbawa ang mga gawain sa bahay o pag-aalaga sa mga batang maliliit kung meron man o kaya ay pagsali sa mga aktibidad ng barangay o maaaring mga kinahihiligang hobbies.. Hindi ka rin naman kasi kumikilos ang iyong katawan kung nakaharap ka lang sa telebisyon. Sabi nga sa ilang pag-aaral, nakakasama pa sa kalusugan ang nakababad ng maraming oras sa TV.

Sabagay, kung gugustuhin ng isang tao, meron siyang mapagkakaabalahang bagay araw-araw. Lalo ka lang malulungkot kung mamimintana ka lang sa iyong bahay at aalalahanin ang mga problemang wala namang kagyat na solusyon.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

TRABAHO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with