_pang-masa
^

Punto Mo

Only in the Philippines!

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DAHIL malapit na ang eleksyon, ang mga dating magkakaaway ay nagiging magkakaibigan na, at ang mga dating magkakaibigan ay nagiging magkakaaway na. Ang pilosopiya kasing umiiral sa mundo ng pulitika ay ito, “Walang permanenteng kaaway o permanenteng kaibigan, meron lamang permanenteng kapakanan.” Saksi tayo sa nangyayaring labanan ngayon sa loob mismo ng PDP-Laban. Maaaring sundan ito ng iba pang grupo na mahahati o kaya nama’y magsasanib. Talagang ang pulitika ay may kapangyarihang pagtabihin sa iisang kama ang dalawang mortal na magkaaway.

Hindi naman masama ang pulitika sa ganang kanyang sarili. Ito’y siyensiya o sining ng pamamahala. Walang lipunang maaaring makapanatili nang walang pulitika. Naging masama ang pulitika dahil sa praktis ng masasamang pulitiko na nagpapalaganap ng dirty politics. Dito sa atin, maraming realidad sa pulitika ang tila sa Pilipinas lamang nangyayari. Si Presidente Joseph Estrada, tumakbong Mayor, at s’yempre, nanalo. Only in the Philippines! Si Presidente Gloria Macapagal Arroyo, tumakbo bilang Kongresista, at s’yempre, nanalo! Only in the Philippines! At ngayon, mainit na usapan ang posibleng pagtakbo ni Presidente Duterte sa pagka-bise presidente sa darating na eleksyon. Kung ito’y matutuloy, mas malamang na siya’y mananalo. Only in the Philippines!

Patuloy na lumalakas ang political dynasties dito sa atin, kung saan, nagpapalitan lamang ang magkakamag-anak sa iisang pwesto o ang magkakamag-anak ay sabay-sabay na nahahalal sa magkakaibang pwesto na para bang sila lamang ang mga kwalipikado. Alam mo ba na ipinagbabawal sa Konstitusyon ang political dynasties? Sabi sa Artcile 2, Section 26 ng 1987 Constitution, “The state shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.” Ang problema, hanggang ngayon, walang napagtitibay na batas ang Kongreso upang ipatupad ang pagbabawal sa political dynasties. Kasi naman, naroroon mismo sa Kongreso ang mga political dynasties. Aasa ka pa ba? Only in the Philippines!

Wala rin tayong totohanang political party system na may solidong plataporma. Katakut-takot ang mga partido pulitikal dito sa atin dahil sa ating multi-party system policy.  Hindi katulad sa US, na may dalawa lamang partido—Democrats o Republicans. Malinaw ang plataporma ng isa’t isa.  Kaya doon, ang mga botante ay bumoboto ayon sa plataporma ng partido. Dito sa atin, bumoboto tayo ayon sa personalidad ng kandidato. Matapos na makapaghalal tayo ng Presidente, maraming pulitiko ang naglilipatan sa partidong kanyang kinabibilangan. Ang tawag dito’y mga political butterflies na naninigurong makakasimsim ng nektar ng kapangyarihan. Only in the Philippines!

May pag-asa pa bang mabago ang sistema ng pulitika dito sa atin? Mayroon! At ang pagbabago ay nakasalalay sa uri ng mga pulitikong iluluklok mo sa kapangyarihan. Mangyayari ‘yan sa eleksyon 2022. Kung ang pagpili mo’y batay sa karakter, kakayahan, katalagahan at programa ng kandidato, makakabangon tayo. Pero kung ang pagpili mo’y base lamang sa katanyagan, sa winnability at sa pag-eendorso ng sikat na tao sa kandidato, lalo tayong malulubog sa putik ng kahirapan at kadustaan.

Sabi ni Hesus sa Mateo 10:16, “Kaya’t magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati.” Magpakatalino ka alang-alang sa kinabukasan ng Pilipinas upang kapag sinabi nating “Only in the Philippines,” ‘yon ay mga bagay na puwede talaga nating ipagmalaki sa buong mundo!

PDP-LABAN
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with