Pamantayang adobo

MARAMI  ang pumalag sa isinusulong ng Department of Trade and Industry na magtakda ng pamantayan sa pagluluto ng adobo  (manok man o baboy, gulay o posit). Nilinaw naman ng DTI na ang hakbang ay para lang sa promotion ng putaheng Pinoy na ito sa ibang bansa.

Pero hindi naman masisisi ang mga kritiko ng naturang hakbang dahil, sabi nga ng iba, sa dami ng malalaking problema ng bansa tulad ng  pandemya, ang pagtatakda ng pamantayan sa tamang luto ng adobo ang inaatupag ng pamahalaan. Bakit nga naman pakikialaman ang pagluluto ng mga Pinoy sa paborito nilang adobo?

Sinasabi naman ng DTI na hindi obligado ang sinuman o ang bawat tahanang Pinoy na sumunod sa pamantayang itatakda para sa adobo dahil merong libu-libong klase ng adobo.

Isa sa pangunahing mga pagkain ng mga Pilipino ang adobo na kanilang hinahanap-hanap saan man sila naroon, dito man sa Pilipinas o sa ibayong-dagat.  Tanungin mo ang sinumang overseas Filipino worker o mga migranteng Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo at sasabihin nilang isa sa gusto nilang ulamin ang adobo na nakasanayan nila noong nasa Pilipinas pa sila. Karaniwang nagluluto sila nito sa kanilang mga tinitirhan sa ibang bansa. Karaniwan ding merong adobo sa mga handaan o okasyong dinadaluhan ng mga OFW at ng mga Pilipinong permanenteng naninirahan sa ibayong-dagat. Hindi rin nawawala ang adobo sa mga restawrang nagtitinda ng mga pagkaing Pilipino sa mga dayuhang bansa. Nagiging dahilan ito para makilala at magustuhan din ng mga ibang lahi ang paboritong putaheng ito ng mga Pinoy.

Hindi malinaw ang sinasabi ng DTI na para sa promotion lang sa ibayong-dagat ang bubuuing pamantayan sa pagluluto ng adobo.  Siguro, ang adobong iluluto batay sa pamantayang ito ang ihahain sa mga pormal na okasyon halimbawa sa mga embahada ng Pilipinas o  sa mga pagtitipong dinadaluhan ng matataas na mga opisyal ng Pilipinas at ng ibang mga bansa o sa mga pagdiriwang ng mga Pilipinong may kasamang mga dayuhan. Baka bahagi rin ito ng pagtataguyod ng turismo para makaakit ng mas maraming turistang dayuhan sa Pilipinas. Hindi malayong sumunod sa pamantayang ito ang malalaking mga hotel at restawran sa ibang bansa na nag-aalok ng mga pagkaing Pinoy sa mga dayuhan.

Pero, kahit pa sabihing hindi obligado ang sino man na sumunod sa naturang pamantayan, hindi malayong magkaroon ng implikasyon. Maaaring maging impresyon ng mga dayuhan sa ibang bansa na ang klase ng adobong iniluto sa itinakdang pamantayan ang tradisyunal o karaniwang kinakain ng mga Pilipino at siya nilang hahanap-hanapin. Magugulat na lang sila  na, kapag nakapasok sila sa bahay ng mga Pilipino, iba ang klase ng adobong inihahain  sa kanila.

Pero, kahit wala pa ang pamantayan na iyan at ang promotion,  matagal nang nakikilala  ang adobo  sa ibang mga bansa tulad ng sa United States, Canada, United Kingdon,  Middle East at iba pa dahil  sa mga OFW at ibang mga Pilipinong permanente nang naninirahan doon. Dahil dinadala ng mga Pilipinong ito sa pagdayo nila sa ibang bansa ang hilig nila sa adobo na marami nang siglong naging isa sa mga pangunahing putahe sa Pilipinas kahit noon pang panahon ng pananakop ng mga Kastila.

Email: rmb2012x@gmail.com

 

Show comments