EDITORYAL - Huwag armasan ang anti-crime volunteers

MALAKING problema kapag natuloy ang balak ni President Duterte na armasan ang anti-crime volunteers. Lumutang ang balak ng Presidente nang magsalita sa paglulunsad ng Philippine National Police’s Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy support groups noong nakaraang linggo. Sabi ng Presidente, ipag-uutos daw niya sa PNP na bigyan ng baril ang mga kuwalipikadong sibilyan at nang makatulong sa pagpapatupad ng batas. Makakatulong daw ang mga ito sa pulis sa pagpapanatili ng kaayusan.

Maganda ang hangarin ng Presidente kaya naisip na armasan ang anti-crime volunteers. Marami nga namang halang ang kaluluwa ngayon kaya nararapat na may armas na pangtanggol ang mga volunteers sakaling malagay sa panganib ang buhay. Naglipana ngayon ang riding-in-tandem criminals at iba pang grupo na walang awa kung pumatay matapos makapagnakaw.

Ganunman, hindi pa rin ito sapat para bigyan ng armas ang crime volunteers para makatulong sa pulisya. Marami nang pangyayari na kapag naka­hawak ng baril ang indibiduwal ay nag-iiba na ang ugali. Lumalakas ang loob dahil mayroong baril sa baywang. Mayroon nang ipagmamalaki at ipagyaya­bang.

Kung ang mga pulis na may karapatang humawak ng baril at dumaan sa training ay nagkakamali at pinapasok ng “demonyo” ang utak at basta na lamang namamaril, ang mga volunteers pa kaya ang hindi? Kamakailan lang, isang pulis ang nag-amok sa MPD headquarters sa Maynila at isa napatay. Noong nakaraang buwan, isang lasing na pulis ang binaril ang kanyang kapitbahay na babae sa Fairview, Quezon City.

Huwag nang dagdagan ang problema na may kaug­nayan sa krimen na nalikha dahil sa baril. Huwag­ armasan ang crime volunteers. Ipaubaya sa mga alagad ng batas ang pagharap sa mga kriminal.

Marami ang tutol sa balak na pag-aarmas sa mga civilian at nasa katwiran sila. Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, ang kailangan sa ngayon ay mahigpit na pagbabawal sa baril. Si Lacson ay dating PNP chief.

Huwag nang ipursige ang pag-aarmas sa anti-crime volunteers para iwas problema.

 

Show comments